Ompong, maraming iniwang eksena!

Habang sinusulat ang espasyong ito, nakakalungkot ang eksenang iniwan ni Ompong dahil marami pang hinuhukay na mga natabunan sa mga slides, may 74 na ang naitalang namatay,  marami pa ang nawawala liban sa mga nasugatan, nawalan ng bahay at ari-arian at nasira ang kanilang mga pananim. Resulta: mapait ang hinagpis na namumuo sa buhay ng mga nawalan ng mahal sa buhay; hinagpis sa mga nawalan ng hanapbuhay; hinagpis sa pagkakalugi ng negosyo at pananim at hinagpis sa mga nawalan ng tirahan at di malaman kung saan susuling. Buti na lang marami ring kababayan natin ang sumaklolo sa ganitong sitwasyon. At sa mga walang pusong nagsasamantala pa sa tuwing may kalamidad, mag-isip po kayo.

**********

Isa sa mga kontrobersiyang eksenang iniwang trahedya ni Ompong ay ang naganap sa Ucab, Itogon, Benguet. Ang mga biktima ay mga nasa small scale mining kasama ng kanilang mga pamilya nang sila’y matabunan sa kanilang sinilungang gusali habang bumabanat si Ompong. Ayon sa mga ulat, ang mga ito ay nakatira diumano sa mga bunkhouses na iniwan ng isang malaking minahan matapos tumigil sa operasyon. Kasamang natabunan ng putik ang kanilang bahay-sambahan (kapilya) na sinasabi ng mga survivors na marami raw ang nasa loob nang maganap ang trahedya.  In short, kung totoo ang pangamba, marami pa ang dapat hukayin o hanapin.  Ayon sa aerial view ng lugar ng slide, bumigay ang bundok sa taas ng kalsada at dumiretso ang putik sa kabahayan sa baba. Sala-salabat ang ulat na naglabasan. May ulat na diumano ay nasabihan ang mga biktima na lumikas. May mga sumunod ngunit bumalik daw. Sa araw na ito, may 19 na bangkay na ang nahuhukay at may 56 pa raw ang dapat hukayin. Marami pang kuwento ang lumantad na humantong sa sisihan. Susmaryusep! Trahedya na nga, may sisihan pa? Sundan:

**********

Nang umusad ang imbestigasyon (ng media at iba pang ahensiya ng gobyerno) nagturuan na kung sino ang dapat sisihin sa trahedya sa Ucab, Itogon.  Sabi ng punong-bayan – ang nagsarang minahan daw ang dahilan kung bakit nakapagpatuloy na nagmimina ang mga minero doon.  May pahintulot daw ang minahan. Sagot naman ng mga opisyal ng minahan na hindi ito totoo. Tsk tsk, hanggang ngayon, turuan pa rin sila at nagbabanatan at kulang na lang na mag-upakan sa gitna ng rescue at retrieval operations. Pero ayon sa mga mabusising analysts: bakit kasi pinayagan silang tumira sa lugar na yon? Kung sa una pa ay ibinawal na raw ng lokal na pamahalaan doon, hindi sila dumami. Naungkat pa na doon na raw ang bentahan ng ginto na namimina ng mga small scale miners. Na ang ibig sabihin, papaano mo sila paaalisin kung kumikita ka sa kanila? May bumulaga pang balita na mismong misis daw ng isang opisyal ng bayan ay isa sa mga bumibili ng ginto rito. Tsk tsk, ganern? Pero bawi naman ng opisyal, tumigil na raw ito sa pamimili ng ginto bago pa ang trahedya. Hmmm sige, malalaman natin ang lahat kapag nabulatlat na ang isyung ito.

**********

Ito ngayon ang aabangan, pards: sino-sino kaya ang sinasabing mga sampung alkalde na iimbestigahan at maaaring maparusahan dahil sila’y “missing in action” o “absent sa tungkulin” habang nananalasa si Ompong sa kanilang lugar? Kasong administratibo ang kakaharapin ng mga mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin. Grabe naman hane? Binabayo na ng bagyo ang mga residenteng nasasakupan, wala ang alkalde? He he, baka inililigtas naman nila ang sarili, este ang pamilya o negosyo. Sus ginoo! Wala pang pinapangalanan ang DILG. Abangan na lang natin ang susunod na bangungot. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon