Operasyon ng karnabal, mahigpit na binabantayan

LUNGSOD NG BAGUIO – Iniutos ni Mayor Mauricio Domogan ang mahigpit na pagbabantay sa operasyon ng karnabal sa Children’s Park dahil sa dumaraming reklamo ukol sa kaligtasan ng mga sumasakay sa karnabal.
Kabilang sa mga reklamo ay ang masyadong mabilis na pagpaandar ng mga rides at ang walang naka-install na seatbelts para sa kaligtasan ng sasakay dito, lalong lalo na ang mga bata.
Inihayag din ni Domogan na ang pagsubaybay ay gagawin din ng City Engineering Office upang mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan sa kaligtasan ng mga iniaalok na rides ng karnabal.
Inamin ng alkalde na ipinipilit nila ang pagpapasara ng mga larong may kaugnayan sa pera na patuloy na pinatatakbo ng operator na karnabal na si Belazar Ola. Ngunit umalma si Ola na wala itong nilabag sa orihinal na kasunduan sa lungsod.
Sinabi ni Domogan na ang mga larong may kaugnayan sa pera ay hindi lumalabag sa kontrata ngunit napipinsala nito ang kamalayan ng publiko lalo na ang kabataan dahil ito ay isang uri ng sugal, na kung maari ay itigil na ang pagpapatakbo nito. “Masama sa tingin ng tao at walang magagawa ang Belazar Ola kundi sumunod,” dagdag ni Domogan.
Noong nakaraang linggo, ang mga laro ng karnabal na may binggo games at tatlo pang gaming tables sa Children’s Park ay inalis na.
Abril 1 nang muling pumayag si Mayor Domogan na mag-operate muli ang karnabal sa Children’s Park, na may 60 araw na operasyon hanggang matapos ito bago magsimula ang klase sa Hunyo nang walang pagsusugal o laro na may kaugnayan sa pera.
Sa ilalim ng kasunduan, nanatiling P500,000 pa rin ang halaga ng  pag-upa o bayad ng operator sa lungsod para sa paggamit ng Children’s Park. Ito ay maliban pa sa P50,000 bond kung sakali mang may mangyaring pinsala sa parke.
Ayon kay Mayor Domogan sinusubaybayan ang karnabal ng mga kawani ng seguridad ng Burnham, ang Public Order and Safety Division at ng publiko. MA. KRYSTAL I. DIOQUINO, contributor

Latest News

Amianan Balita Ngayon