Operasyon ng PCSO, bakit kaya sinuspende?

Agosto na! Susunod na rin ang mga buwan ng BER. Pero marami ang nagkikibit-balikat kung may halaga pa ba ang Disyembre sa likud ng mga sandamukal na mga problema sa bansa sa kasalukuyan. Liban sa matagal nang usapin o gusot sa West Phil. Sea, Diborisyo, Death Penalty, Charter Change, Federalismo, dagdag sahod sa mga guro, nurses at mga empleyado ng gobyerno, paglilinis sa mga ahensiya ng pamahalaan lalo na sa limang tinukoy ng Pangulong Duterte na talamak diumano ang korapsiyon…at marami pang iba.

Pero may nadagdag na kontrobersiya: Bakit daw sinuspende ng Pangulo ang operasyon ng PCSO? Bulatlatin natin!

Batid ng lahat na napakarami ang natutulungan ng PCSO lalo na sa ating mga kababayang may mabibigat na karamdaman at di kayang tustusan ng kanilang bulsa lalo na sa mga may tama ng diabetis.

Hindi maikakaila na pila ang mga taong tinutulungan ng PCSO. Hindi lang gamot kundi pati na mga gamit ng mga pagamutan gaya ng ambulansiya at kauring serbisyo. Pero, balik tayo sa malaking palaisipan, bakit sinuspende ang serbisyo ng PCSO?

Dahil dito, napatigil ang operasyon ng Lotto, STL, Keno, Peryahan ng Bayan, Scratch It at lahat ng mga pasugal ng PCSO. Resulta: marami ang nawalan ng hanapbuhay, trabaho at sa apat na araw ng suspensiyon, umabot daw sa mahigit sa dalawang daang milyong piso ang nalugi sa kikitain sana ng ahensiya.

Nakabalik na ang operasyon ng Lotto pero hindi pa ang STL, Keno at Peryahan ng Bayan. Natural, mga taga-Lotto at tayador, pumapalakpak sa likud ng simangot naman ang mga taga-STL, Keno, Peryahan ng Bayan at kanilang mga tayador.

Lahat ng mga opisyal at empleyado ng Lotto, paiimbestigahan! Magkakaroon daw ng life-style check! Tama lang para mabuking ang mga nagkamal ng yaman sa illegal na paraan.

Tanong: ano nga ba ang illegal na transaksiyon o operandi sa buong PCSO na dapat busisihin? Pero teka lang, kamakailan lang sinabi ni Sen. Ping Lacson na di dapat napasarhan ang mga Lotto outlet dahil wala naman daw katiwalian diyan.

E, bakit pinasarhan? Reklamo tuloy ng mga Lotto outlet na ang mga tiwaling mga opisyal lang ang suspendihin at huwag silang idamay. Grabe talaga ang naging chain reaction sa nangyari.

Marami nga ang nadamay. Ang nakakatakot ay kung ano na ang naisip na paraan upang hindi magugutom ang mga nawalan ng hanapbuhay. E, kung kumapit sila sa patalim, di mas mabigat na ang problema, di ba pards?

Ayon sa isang pagbubulgar, mga retirado at aktibong mga opisyal daw ng AFP at PNP ang dahilan kung bakit napundi o napigtas ang timpi ni Pres. Duterte kaya nagpasyang isara agad ang PCSO. May kaugnayan umano sa prangkisa ng mga games ang dahilan.

Pag-aari daw umano ng mga retirado at aktibong mga opisyal ng AFP at PNP ang mga prangkisa at pinapangalan lamang sa ibang tao. Sa ganitong sistema, nalulugi ng bilyong peso ang gobyerno kasi sa bulsa ng mga matatakaw na buwaya ng PCSO napupunta ang kita.

Tanong: paano nabubulsa ang kita? Aba, kung hindi matigil ang kabuwakawan ng mga buwaya riyan, mawawala na ang tiwala ng taumbayan lalo na sa mga resultang inilalabas bawat draw o bola. Tsk tsk, dapat ngang magalit ang Pangulo sa kalakarang ito at dapat lang na maparusahan ang mga kawatan.

Papasok na rin daw ang NBI (liban sa Kongreso) sa imbestigasyon. Sige Apo Digong, kastiguhin ang mga anay sa lipunan pero tignan din ang kalalagyan ng mga masasagasaang mawalan ng trabaho. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon