Operasyon ng vans hinigpitan

Mahigpit na binabantayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ang pag-operate ng mga van transport na namamasada at naghahatid ng mga Locally-Stranded Individuals (LSIs) papasok ng probinsya.
Sa bisa ng Executive Order No. 19-C na nilagdaan ni Gov. Pacoy noong unang araw ng Agosto 2020, inilahad na ang mas mahigpit na patakaran para sa mga van transport na ito. Sa nasabing direktiba, kailangan nang magpakita ng mga driver ng mga van ng permit mula sa LTRFB na nagpapatunay na sila ay may kaukulang pangkrisa upang mag-operate sa panahon ng pandemya.
Para sa mga driver na hindi residente ng La Union, iiwan nila ang kanilang driver’s license sa mga pulis na nakatalaga sa border checkpoint, na makukuha nila sa kanilang paglabas muli ng probinsya pagkatapos ihatid ang kanilang mga pasahero.
Required din ang mga driver na ito na magpakita ng resulta ng kanilang RT-PCR test, na nagpapatunay na sila ay negatibo sa sakit. Sa mga LSI naman na lulan ng mga van transport na ito, sila ay susuriin isa-isa sa mga border checkpoints at kailangan nilang ipakita ang mga sumusunod na documentary requirements: duly-accomplished La Union Health Declaration Form; ID na nagpapatunay na sila ay residente ng LU; Travel Authority mula sa PNP na kanilang pinaggalingang lugar; Health Certificate mula sa local health unit ng kanilang pinanggalingang lugar na nakuha sa di lalagpas ng tatlong araw sa kanilang byahe; at RTPCR test result na nagpapatunay na negatibo sila sa COVID-19.
Press Release/LU PIO
 

Amianan Balita Ngayon