Ilang tulog na lang…Oktubre na! Aarangkada na naman ng madla ang mga dati at mga bagong taktika na tiyak
magpapaikot sa iyong mundo, para sa ikakabuti mo o panghihinayangan mo. Ratsada na, pards! Una…andiyan na ang “paramdam style”. Yung dating di naman dumadalaw sa mga barangay ay biglang susulpot si “kaka” at nangungumusta. Kung ano-ano ang tinatanong. Kung may problema ay makakatulong daw siya. Di man siya nagsasabing tatakbo siya sa eleksiyon.
Pero malakas magparamdam. Masyadong atat. Sabi nga ng mga tomador na pilosopo: “papunta ka palang, lasing na ako, este, pauwi na ako.” Pero ala-ala ko pa ang sabi ng lolo ko: “kapag pumasok ka sa pulitika…para kang
naghuhukay na ng sarili mong libingan”. Di ko ma-gets si lolo pero, baka habang papalayo ang hakbang ng ating Daplis ay masundan natin. Porma-Lamay…nakakainis na paramdam sa pulitika.
Sabagay, hindi po sa nilalahat, bagamat nangyayari. Ala Santo siyang nakatunganga sa harap ng pinaglalamayan.
Kunot-noo at parang sing lalim ng kulangot niya ang kanyang iniisip. Sundot mo, igan…nakikidalamhati raw sa namatayan. Kuno ay isa siya sa mga kaanak na HINDI naman. Ni hindi nga siya kakilala o kapitbahay, eh. Ngayong malapit na ang pilahan ng kandidatura, lilibot si Kaka sa mga nakikilamay at kakamayan lahat pati walang
kamay. Pati nga sikyo na hindi botante, tudo-yakap pa. Nakakasulasok, pards, di ba?
Parang gusto mong masuka…pero nangyayari ito, di ba? Porma-Silip…ito naman ang ratsada ng mga bagitong gusto ring manilbihan kuno sa kanilang bulsa, este sa bayan. Lalapit at roronda si Kaka sa mga kilalang bigating pulitiko.
Una, mangungumusta saka magpapatutsadang gusto rin niyang tumakbo. Makikiramdam baka sakaling makahanap ng makakapitang tao o kaya’y kandidato o masasandalang partido. Kasi, batid ni Kaka na kung malakas at kilala ang kakapitang partido-pulitikal…mahahatak ang kanyang ambisyon.
Makakatulong daw ito para manalo. Pero sa panahong ito, wais na ang mga partido pultikal at pati na ang mga may
planong kumandidato. Ayaw nila ang tinatawag na “sabit lang”. Ang gusto nila ay makakasama sa grupo sa “hirap
at ginhawa”. Eh, alam naman natin na talagang magastos ang kampanyahan. Kailangang may pundo si Kaka. Pero papano yong walang pondong ikakasa? Yan ang tinatawag na “paasa sa sabit”.
May isa pang pero…bakit, yon lang daw bang may pera ang maaring mahalal sa eleksiyon? Daplis naman ng isa: bakit, kailan ba nagkaroon ng eleksiyon na hindi bumuhos ang pera? Kung mangampanya ka at kakailanganin mo ang asiste ng mga dikit-boys, padulas-boys at lahat ng oplan at modus-operandi boys mo…pera ang kailangan mo para walang gutom sa brigada. Wala kang makukuhang ka-alalay na di mo bubusalan ng datong, pards.
May kakilala nga kami…dahil sikat daw siya at kilala sa lahat ng umpukan sa sosyodad….naglakas-loob siyang tumakbo kahit walang pondo. Anyari? He he…TALO! Sa mga may ambisyong lumusong sa pulitaka, payo ng
Daplis, hindi pakitang-tao ang paninilbihan sa publiko kundi taos sa puso. Wala pag-iimbot at tunay na makabayan. Hindi yong ginagawang negosyo ang pulitika. Huwag pasilaw sa pangako at pakimkim. Kilatisin ang pagkatao ng iyong susuportahan.Adios mi amor, ciao, mabalos.
August 10, 2024
August 10, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024