Ordinansa sa free parking ng mga establisimyento, iminungkahi

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinuportahan ng ilang mga negosyante sa lungsod ang mungkahing ordinansa na nagnanais na gawing libre ang pagpaparada ng mga kustomer sa malalaking establisimyento sa lungsod.
Ngunit anila ay kailangang may oras at bilang para sa libreng parking dahil limitado lamang ang parking slots nila.
Ang naturang proposed ordinance ay iniakda nina konsehal Edgar M. Avila at Benny O. Bomogao.
Ayon kay Avila, maaaring magbigay ang mga malalaking establisimyento ng anim na oras na libreng pagpaparada.
Sa pagharap sa regular na session ng Sangguniang Panlungsod ay inihayag ng ilang administrador at may-ari ng mga gusali sa lungsod ang kanilang suporta at mga mungkahi na makakatulong sa pag-aayos sa ordinansa.
Ayon sa mga administrador ng mga gusali, walang problema sa kanila ang pagkakaroon ng ordinansa tungkol sa libreng parking para sa kanilang tagatangkilik.
Isinaalang-alang din ng mga ito ang pagpapakita ng mga customer ng kanilang resibo mula sa pamimili sa establisimyento upang sila ay hindi singilin ng kanilang parking fee.
Sinabi ng konseho na kanilang susuriing mabuti ang iminungkahing ordinansa bago ito ipasa. Celina Cleofe O. Padernal, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon