P10.8M halaga ng proyekto, inilunsad ng DAR sa Kalinga

LUNGSOD NG TABUK, KALINGA – Tatlong proyekto ang inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) na may kabuuang halaga na P10.8 milyon upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pronisya.
Ayon kay Agustina Duyan ng DAR-Kalinga, isa sa mga proyektong ito ay ang tinatawag na Links Farm Program na isinusulong ang pagiging negosyante ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng access sa mga service providers. Pinondohan ito ng P3.6milyon at ipapatupad hanggang 2020.
Sa ilalim ng programa ay iniuugnay ang mga magsasaka sa mga institusyon para sa pagsasanay, teknolohiya at tulong sa finance at marketing.
Ang pagsasanay sa mga magsasaka upang maging product processors ay nagbubukas ng oportunidad para sa kanila upang mapalaki ang kanilang kita mula sa kanilang mga ani kaysa kung ibebenta lamang nila ang mga ito sa mga traders, ani Duyan.
Samantala, ang Sugar Block Farming Project na nagkakahalaga ng P6milyon ay magpapabuti sa paggawa ng asukal na isa sa mga nagiging pangunahing industriya ng mga magsasaka rito. Ang programang ito ay magbibigay ng teknolohiya sa mga magsasaka para sa hybrid sugarcane production sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga nurseries sa mismong taniman ng tubo.
Ang Partnership Against Hunger and Poverty project naman na nagkakahalaga ng P1.2milyon ay naglalayong matugunan ang problema sa malnutrition, gutom at kahirapan lalo na sa mga bata sa daycare.
Ipinaliwanag ni Duyan na sa ilalim ng naturang programa, ang mga pangangailangan sa nutrisyon ng mga bata, mula sa pagbubuntis ng kanilang ina hanggang sa marating nila ang edad ng daycare, ay tutugunan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture. Ang iba pang partners ay kinabibilangan ng local government units ng Tanudan, Pasil at Pinukpuk.
Ang tatlong programa ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng sektor ng agrikultura na tinaguriang “backbone” o pangunahing nagpapalakas sa ekonomiya ng bansa. L.T.LOPEZ, PIA-Kalinga / ABN

Amianan Balita Ngayon