P12M inilaan sa autonomy info drive

Metro BLISTT

Tinatayang P12milyon ang inilaan ng pamahalaan mula sa 2018 budget para sa National Economic and Development Authority sa Cordillera (NEDA-CAR) at sa Regional Development Council (RDC-CAR) upang mapanatili ang mga natamo nito sa pagtataguyod ng awtonomiya ng rehiyon.

Ayon kay NEDA-CAR regional director Milgaros A. Rimando, ang naturang pondo ay mas mababa kung ikukumpara sa P15milyon na tinatanggap ng ahensya mula nang sinimulan ng RDC-CAR na gawing pangunahing agenda ang awtonomiya upang paandarin ang malawakang pagpapaunlad sa rehiyon, mahigit isang dekada na ang nakalipas.

Ipinaliwanag nito na ang pagbabawas sa pondo ay dahil sa mga alegasyon ng hindi nagamit na pondo sa mga nakaraang taon maliban sa isyu ng pagkabigo ng mga partner ng ahensya na i-liquidate ang mga pondo na ibinigay sa kanila.

Iniulat ito ni Rimando sa information and education campaign (IEC) at alliance building partners ng ahensya sa ginanap na taunang pagtitipon nila sa Aureo’s Hotels and Resort sa San Fernando City, La Union noong Disyembre 28-29, 2017.

“The slight reduction on the funds given to the NEDA-CAR and RDC-CAR for the campaign will not greatly affect the gains that the region has achieved with regards the clamor for autonomy over the past ten years. We will simply prioritize the projects to be funded this year with emphasis on grassroots information and education campaign for us to be able to inculcate to the minds of Cordillerans the essence of having an autonomous region,” giit ni Rimando.

Inihayag nito na ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at akreditadong civil society organizations ay kailangan pa ring magsumite ng kanilang mga mungkahi para sa information education campaign, alliance building at project monitoring and evaluation na kailangang pondohan. Ito ay upang masiguro na boboto ang mga mamamayan ng rehiyon para sa pagkakaroon ng autonomous region ng Cordillera kapag naisabatas na ang autonomy law at ihahain na sa kanila sa isang plebisito sa hinaharap.

Aniya, ang awtonomiya ay itinuturing ng iba na siyang magbubukas ng oportunidad para sa agresibong pag-asenso sa mga kanayunan dahil ang autonomous regional government ay magkakaroon ng mas malakas na kontrol sa mga pinagkukunan ng rehiyon at magkakaroon din ng mas mahinang pagpigil mula sa panlabas na impluwensya.

Ang 1987 Constitution ang nagtatalaga ng pagkakaroon ng autonomous regions sa Muslim Mindanao at sa Cordillera.

Ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ay naitatag ilang taon lamang mula nang naipatupad ang Konstitusyon habang ang dalawang nakalipas na pagtatangka ng Cordillera na makamit ang awtonomiya ay pawang bigo matapos na ayawan ng mga tao ang dalawang Organic Acts na inihain sa kanila sa dalawang magkahiwalay na plebisito bunsod ng mahinang information dissemination at kakulangan ng pag-unawa sa nilalaman ng batas para sa awtonomiya. BAGUIO PIO / ABN