P15.8-M INILAAN SA BAGONG UPGRADE COLD CHAIN FACILITY SA BENGUET

LA TRINIDAD, Benguet

May ponding P15.8 milyon ang inilaan ng Department of Science and Technology- Cordillera
Administrative Region (DOST-CAR), Department of Science and Technology – Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI) at provincial government ng Benguet, para sa
pagpapaganda at pagpapabuti sa pasilidad ng Benguet Cold Chain sa Wangal, La Trinidad,Benguet.

Ang nasabing pondo ay mula sa convergence project na tinatawag na Upgrading Capability of Existing Distribution Centers / Trading Posts in Delivery of Fresh and Semi-Processed Agricultural
Products in the Supply Chain: Focusing on Packaging Technology and Logistics na pinangunahan ng tatlong nasabing ahensya.

Ayon kay Project Leader Engr. Ericson Nolasco, ng Packaging Technology Division -Industrial Technology Development Institute (PTD-ITDI), ang pondo ay ginamit para sa pag-upgrade at pagpapatayo ng higit sa dalawang additional cold storage facilities, para palakasin ang kakayahan nito sa pahatid ng mga sariwa at semi-processed na mga produktong pang-agrikultura sa merkado.

Kasama sa proyekto ang pagkakaroon ng makabago at angkop na teknolohiya na magagamit sa operational packaging na inaasahang epektibong makakapagbalot ng sariwa at semi-processed tulad ng pre-cut, wash, ready-to-cook agricultural products tulad ng broccoli, cauliflower, repolyo,
lettuce, bell pepper, carrot at strawberry, na maaasahan ng mga mamimili na kalidad ang produktong kanilang matatanggap.

Samantala, ayon naman kay Governor Melchor Diclas, ang proyektong ito ay malaking tulong sa mga magsasaka dahil mababawasan ang mga “middle man” at masisiguradong kalidad ang mga produkto dahil dederetso na ito sa mga supermarket. Ang pasilidad ay pormal na pinasilip sa publiko sa isinagawang inagurasyon noong Marso 21, na pinangunahan ni DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Leah Buendia; DOST-ITDI Director Dr. Annabelle Briones; DOST-CAR Regional Director Dr. Nancy Bantog kasama si Gov.Diclas; Benguet Provincial Agriculturist Delinia Juan at La Trinidad Mayor Romeo Salda.

Vina Pallar- UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon