P16.8-M MARIJUANA, SHABU, NASAMSAM SA CORDILLERA

CAMP DANGWA, Benguet

Nasamsam ng kapulisan ng Cordillera ang mahigit sa P16 milyong halaga ng marijuana, shabu, kasabay ang pagkakadakip sa 21 drug personalities, matapos ang pinaigting na one week drug operation sa rehiyon mula sa Enero 13 hanggang 19. Ayon kay Brig.Gen. David Peredo,Jr., regional director, ang kapulisan ay nakapag-sagawa ng 49 illegal drug operation na humantong sa pagkumpiska ng 70,855 Fully Grown Marijuana Plants, 1,500 piraso ng marijuana seedlings, 20,133.70 gramo ng dahon ng marijuana at fruiting tops, 3.99 gramo. marijuana kush, 55.73 ml ng marijuana oil, at 23.94 gramo ng hinihinalang shabu, na may kabuuang Standard Drug Price P16,817,406.43.

Bilang karagdagan, ang mga operasyon ay nagresulta din sa pag-aresto sa 21 drug personalities, walo sa kanila ay kinilala bilang High Value Individuals (HVI), habang 13 ay kinilala bilang Street Level Individuals (SLI). Ang pinakamahalagang operasyon ay naganap sa Benguet, kung saan nasamsam ng Benguet Police Provincial Office ang
iligal na droga na nagkakahalaga ng P10,957,596.00 at naaresto ang dalawang SLI, samantalang sa Kalinga ay nakumpiska ng halagang P5,697,000 iligal na droga, kasabay ang pagkakahuli ng isang HVI at isang SLI.

Nakumpiska naman ng Baguio City Police Office ang P87,040.00 halaga ng iligal na droga mula sa nadakip na apat na HVI at limang SLI, habang sa Abra ay P36,488.00 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska at dalawang SLI ang nadakip. Gayundin, sa Apayao, nasamsam ng Apayao PPO ang iligal na droga na nagkakahalaga ng P23,278.43 at inaresto ang isang HVI at dalawang SLI, at sa Ifugao ay P16,044.00 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska at dalawang HVI at isang SLI ang nahuli.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon