P2.5M para sa city hall elevator, iminungkahi sa SP

Isinusulong ni Vice Mayor Edison Bilog sa Sangguniang Panlungsod (SP) ang mungkahing panukala na naglalaan ng P2,500,000 para sa pagpapagawa ng elevator sa Baguio City Hall.
Ito ay para sa kabutihan ng mga gagamit na mga may kapansanan, matatanda at mga buntis na mayroong transaksyon sa iba’t ibang tanggapan sa city hall.
Noong 2003 ay inaprubahan ng SP ang Ordinance No. 17 na naglalan ng halagang P44,720,000 mula sa unappropriated surplus ng general fund para magamit sa mga prayoridad na proyekto ng lungsod na kung saan inilaan ang halagang P1,700,000 para sa paggawa ng elevator ngunit hindi natuloy.
Binanggit ni Bilog na ang naturang P1.7milyon ay nagamit sa para sa Environmental Recycling System (ERS) upang malutas ang malaking problema sa basura.
Sa kasalukuyan, ninanais ng vice mayor ang pagpapatuloy ng dating plano ng lungsod sa elevator kaya iminungkahi ang paglalaan ng panibagong P2.5 milyon o higit pa para sa paglalagay ng elevator dahil patuloy ang hinaing ng mga PWDs, matatanda at mga buntis na nahihirapan sila sa pag-akyat sa mga mas mataas na palapag ng city hall.
Iginiit din ni Bilog ang pagpapatupad ng kanyang mungkahi dahil nasasakupan ito ng Section 25 ng Republic Act No. 7277 “An act providing for the rehabilitation, self-development and self-reliance of disabled person and their integration into mainstream of society and for other purposes” at Batas Pambansa Bilang 344 o Accessibility Law “An Act to Enhance the Mobility of Disabled Persons by Requiring Certain Buildings, Institutions, Establishments and Public Utilities to install Facilities and Other Devices”.
Kapag naaprobahan sa SP, kakailanganin ang issuance ng Local Finance Committee ng certification of availability of funds at paghahanda ng City Buildings and Architecture Office sa mga mahalagang dokumento tulad ng program of work, cost specification, technical drawings at iba pa.
Inaasahan ang pagpapatupad sa paggawa ng elevator ng city hall batay sa Local Government Code of 1991 (Republic Act no. 7160) na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga mambabatas para sa rural development ng kanilang nasasakupan.
Ang mungkahing panukala ay kasalukuyang nasa ikalawang pagbasa. DEBORAH AQUINO, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon