P2.6-M ILLEGAL DRUGS NASAMSAM SA ISANG-ARAW NA OPERATION SA CAR

LA TRINIDAD, Benguet

Nakasamsam ang Cordillera cops ng P2.6 milyong halaga ng illegal drugs, kasabay ang pagkaka-aresto sa tatlong drug pusher mula sa isang-araw na operasyon, noong Nobyembre 5. Sa Benguet, tatlong marijuana plantation sites na tinaniman ng 8,700 piraso ng Fully Grown Marijuana Plants (FGMJP) at 375 piraso ng marijuana seedlings na may Standard Drug Price (SDP) na PhP1,755,000.00 ang nadiskubre ng mga operatiba mula sa iba’t ibang unit ng
Benguet Police Provincial Office (PPO), Regional Intelligence Division (RID), Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14), Regional Mobile Force Battalion 15, at Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera Administrative Region (CAR) sa mga munisipalidad ng Bakun, Kapangan, at Kibungan.

Gayundin sa Kalinga, karagdagang 4,500 piraso ng FGMJP na may SDP na PhP900,000.00 ang natuklasan ng magkasanib na operatiba ng Kalinga PPO at PDEA-Kalinga sa Barangay Butbut Proper, Tinglayan. Ang mga natuklasang halaman ng marijuana ay naidokumento, binunot, at sinunog sa lugar, habang sapat na mga sample ang kinuha para isumite sa Regional Forensic Unit-CAR. Samantala sa Ifugao, inaresto ng magkasanib na operatiba mula sa magkaibang unit ng Ifugao PPO at PDEA Ifugao ang isang 44-anyos na lalaki na nakalista bilang Regional Target kasunod ng pagpapatupad ng search warrant.

Nakuha sa operasyon ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na mahigit o kulang 1.5 gramo na may SDP na P10,240.00 sa tirahan ng suspek sa Brgy. Pugol, Lamut. Gayundin, ang isa pang search warrant na ipinatupad ng magkasanib na operatiba ng Abra PPO, RMFB15, RIU-14, RID ng PRO-CAR, at PDEA-Abra sa Brgy. Gaddani, Tayum, Abra ang dahilan ng pagkakaaresto sa isang 25- anyos na lalaki na nakalista bilang Street Level Individual at nakumpiska ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.8 gramo na may SDP na P5,440.00.

Sa Baguio City, isang 32- anyos na babae na nakalista bilang No. 8 Top Most Wanted Person in the City Level of Baguio City Police Office (CPO) para sa 4th Quarter ng 2024 ang inaresto sa San Luis Village ng pinagsamang mga operatiba ng Baguio CPO, RID ng PRO-CAR at RIU-14 sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng lead operating unit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon