P4-B HALAGA NG SHABU NAREKOBER SA BAGUIO CITY

Photo Caption: SHABU SA BAGUIO – Narekober ng magkasanib na tauhan ng Regional and City Drug Enforcement Unit ng Police Regional Police Office-Cordillera sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mahigit kumulang 575 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4 bilyon sa loob ng paupahang bahay sa Barangay Irisan, Baguio City.

Photo By Zaldy Comanda


 

BAGUIO CITY

May inisyal na P4 bilyong halaga ng pinaniniwalaan shabu, ang narekober ng magkakasanib na tauhan ng Regional at City Drug Enforcement Unit ng Police Regional Police Office-Cordillera in coordination with Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang search warrant operation sa may No.035, Purok 4, Barangay Irisan,Baguio City,kaninang umaga,Marso 29.

Isang Chinese national na nagngangalang Ming,Hui,alyas Tan, ang nadatnan ng mga operatiba sa pangunguna ni Lt.Col.Dinky Del-ong,chief ng RDEU, matapos pasukin ang kanyang bahay dakong alas 8:00 ng umaga sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Rufus Gayo Malecdan, Jr.,ng Regional Trial Court,Baguio City. Narekober ng mga operatiba ang mahigit sa 500 pirasong sealed tea bag na may Chinese markings na naglalaman ng tig-isang kilo ng shabu.

Agad na nagtungo si Secretary of Interior and Local Government Benhur Abalos, kasama si PDEA Director Virgilio Lazo, para personal na makita ang nadiskubreng pinakamalaking shabu na inimbak sa siyudad ng Baguio. “Ito ay more or less 575 kilos na iligal na droga na may halagang P4 bilyon,nagtataka siguro kayo kung bakit andito ang mga kapulisan ng National Capital Region, because this is a continuing operation, kaya ang accomplishment na ito ay sanib-puwersa ng ating kampanya sa war on drugs ng ating pamahalaan,” pahayag ni Abalos.

Panawagan nito sa mga taga Cordillera,”Huwag po kayong mabigla, dahil ito ay nakaimbak dito, hindi na naman ito distribution only for Cordillera or for Baguio City. Maaaring ginamit lamang na imbakan dito at maaring ikalat sa iba’t ibang lugar, kaya sa nangyaring ito ay apektado ang buong bansa dito.” Aniya, naka-focus ang pamahalaan,lalong lalo ang kapulisan sa kampanyang war on drugs,kasabay ang panawagan sa komunidad,mga barangay officials na makipagtulungan para labanan ang iligal na droga.

Napag-alaman na mahigit sa tatlong buwan ng minamanmanan ang nasabing bahay na inupahan lamang para gawing imbakan ng droga. Ayon kay Abalos, malaki ang kanilang paniwala na ang nakuhang droga sa Baguio City ay posibleng parte ng nadiskubreng 900 kilong shabu kamakailan sa Metro Manila, dahil pareho lamang ang markings o’ pinaglagyan nito.

Malaki naman ang pasalamat ni Mayor Benjamin Magalong sa kapulisan sa agarang pagka-kadisubke ng imbakan ng iligal na droga.” I would to thanked our PNP,PDEA, NBI, dahil sa kanilang koordinasyon ay agad nilang natunton ang malaking imbakan na ito sa ating siyudad.”

By: Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon