P442K Shabu Nasamsam ng Police; 3 Arestado sa Kalinga

LUNGSOD NG BAGUIO – Tatlong katao sa probinsiya ng Kalinga
ang inaresto sa isang buy-bust operation noong Martes, Pebrero 5, kung saan may kabuuang 65 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P442,000 ang nasamsam ayon sa Police Regional Office–Cordillera (PROCOR).
Ang mga naaresto ay sina Annabel Esrada, 40; Marlon Olimos, 32; at Jackielou Macabenta na lahat ay pawang residente ng Paliparan 3, Dasmarinas, Cavite.
Naaresto ang tatlo matapos magbenta ng dalawang plastic sachet ng
shabu na may timbang na 10 gramo sa undercover police officers na nagpanggap na buyers sa loob ng isang coffee shop ng isang hotel sa
Barangay Bulanao bandang 10 ng umaga.
Nasa 55 gramo ng shabu ang nasamsam mula sa mga suspek matapos ang body search ng Regional Intelligence Division (RID), Regional Intelligence Unit 14 (RIU14) at Tabuk City Police na agad
isinagawa kasunod ng pagaresto.
Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang mga cellphones na ginagamit nila sa transaksiyon at P2,200 buybust money.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Sa tantiya ni Philippine Drug Enforcement Agency Regional Director Edgar Apalla nagkakahalaga ang nasamsam na droga ng P6,800 kada gramo base sa Dangerous Drug Board market value.
Sinabi ni Apalla na ipinapakita sa mga talaan na ilang mga pag-aresto sa rehiyon ang kinasasangkutan ng mga turista o mga bumibisita sa Cordillera para magbenta ng droga.
“Kung saan may bumibili, dinadala nila ang droga at ang bayaran nangyayari sa bangko o kaya sa remittance centers kaya napakahirap magtrack,” ani Apalla.
 
PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon