P6k multa sa PUV tsuper na nagngunguya ng “momma” on duty ipatutupad na

LUNGSOD NG BAGUIO – Ipatutupad na ng Department of Transportation sa Cordillera Administrative Region ang multang PhP6,000 kung ang isang public utility vehicle driver ay napatunayang ngumunguya ng “momma” habang naka-duty o nagmamaneho.
Nag-isyu ang ahensiya ng memorandum circular na nagbabawal sa pagnguya ng “momma” noong Marso 25, 2019. Ang implementasyon nito ay mag-uumpisa sa Abril 22 sa anim na probinsiya at dalawang lungsod sa rehiyon.
“During their operation or duty, they are restricted [to chew betel nut]. They can only chew momma if they are not on duty,” ani DOTr-CAR Regional Director Robert Allan Santiago noong nakaraang Martes.
Layon ni Santiago na mapanatili ang imahe ng propesiyonalismo sa mga public utility drivers at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at kaginhawaan.
Sinabi din niya na ang memorandum ay inilabas dahil sa obserbasyon sa kakulangan ng disiplina ng public utility drivers na ngumunguya ng “momma” habang nagmamaneho.
Ang pagnguya at pagdudura ng momma, pinaghalong nganga, dahon, apog at minsan ay tabako ay isang kagawian ng mga ilang Cordilleran.
“They just chew momma and spit out their saliva anywhere and it’s very untidy especially [here] in Baguio which is a tourist attraction,” ani Santiago.
Sinabi ni Santiago na ang pagdura ng momma ay hindi lamang pagkakalat sa mga daan, maaari din itong magdala ng nakakahawang mga sakit.
Base sa circular, ang operator ay magmumulta ng PhP5,000 at PhP1,000 naman sa driver. Isang suspensiyon ng public conveyance certificate o franchise ay posible rin.
Aplikado rin ang nasabing memorandum sa mga empleyado ng DOTr-CAR, partikular sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB-CAR) at Land Transportation Office (LTOCAR).
PIA/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon