P82 B SAP naibigay sa 14 M na pamilya

LUNGSOD NG DAGUPAN, Pangasinan- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapamahagi na ang ahensya ng PhP82.1 bilyon sa mahigit 13.7 milyong pamilyang benepisiyaryo at senior citizens ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa isinagawang Laging Handa Network Briefing News, sinabi ni Kalihim Rolando Bautista na ang social pension payout para sa mga senior citizen ay base rin sa budget na ibinababa sa kanila ng Department of Budget and Management.
“Hinayaan namin ang LGU (local government unit) na magprioritize ng mga benepisyaryo ng social pension base doon sa numbers na binigay kasi dinistribute namin based on the budget and
the number of beneficiaries,” ani Bautista sa September 8 episode ng programa.
Idinagdag ni Bautista na nagpapasalamat siya sa mga LGU dahil sa malaking tulong ng mga local chief executive sa pagpapahatid ng ayuda. “Sinasabi ko sa aking regional directors at field officers na tuloy-tuloy ‘yung pakikipag-ugnayan sa local chief executives dahil alam naman natin na kapag may concerns, sila ang unang nilalapitan, ” dagdag ng Kalihim.
Samantala, sa lalawigan ng Pangasinan, ayon sa opisyal na Facebook page ng DSWD Field Office I, patuloy ang pamamahagi nito ng ayuda sa iba’t ibang bayan at munisipalidad. Patuloy din ang distribusyon ng ayuda sa pamamagitan ng digital pay-out, direct cash pay-out, at house to house pay-out upang maiwasan ang pagkumpol-kumpol at pagdagsa ng mga benepisyaryo.
RP-PIA Pangasinan
 

Amianan Balita Ngayon