P8M, inilaan ng Aasenso partylist para sa Tesda scholarship

LUNGSOD NG BAGUIO – Isinusulong ngayon ng Aasenso Partylist ang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paghihikayat sa mga out of school youth, na hindi makapag-aral sa kolehiyo, na maging skilled workers sa pamamagitan ng libreng kurso sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).
Ipinahayag ni Atty. Isagani Nerez, national chairman ng Aasenso Partylist, na may 400 slots para sa mga qualified high school graduate na interesado sa pag-aaral sa Tesda ang kanilang inilaan para sa Baguio at Cordillera.
Aniya, sa pamamagitan ng voucher na kanilang ibibigay sa kuwalipikadong mag-aaral, ay magagamit na nila ito sa kursong gusto nilang pasukan sa ilang vocational school na accredited ng Tesda.
Ang Aasenso Partylist ay naglaan ng P8 milyon na pondo para sa scholarship program na ito.
Ayon kay Nerez, programa ng Aasenso Partylist ang matulungan ang mga indigent ng komunidad, na magkaroon sila ng kaalaman at maging skilled workers at magkaroon ng stable jobs tungo sa pag-angat ng kabuhayan.
Aniya, ang programang ito ay nakatuon din sa mga OFW, partikular na sa mga domestic helpers, na sa halip na maging katulong sa ibang bansa ay mag-aral na lang sa Tesda, upang magkaroon ng de-kalidad na hanapbuhay.
May kabuuang 5,000 Tesda voucher ang Aasenso Partylist para sa iba’t ibang lugar sa bansa at ito ang ikalawang taon na kabilang sa kanilang mga proyekto para mapaunlad at maiangat ang kahirapan sa bansa.
Ang mga kuwalipikadong paaralan na accredited ng Tesda Baguio City School of Arts and Trade (BCSAT), na may 28 kursong mapagpipilian, samantalang 29 kurso naman sa Tesda Loakan Training School.
Sa mga interesado ay maaari nang magtungo sa Aasenso Partylist National Headquarters sa Camdas Subdivision, Baguio City, harap ng Mt. Carmel Montessori, upang makapag-parehistro at makakakuha ng voucher na ire-release sa unang linggo ng Hulyo. ZALDY COMANDA / ABN

End of Ramadan

Memorable gift

Amianan Balita Ngayon