P92-M road project sa Poro Point, sinimulan na

SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Kaagad sinimulan ang bagong proyekto ng kalsada sa loob ng Poro Point Freeport Zone (PPFZ) na nagkakahalaga ng mahigit P92 milyon pagkatapos ng groundbreaking ceremony noong June 15, 2017.
Ayon kay Sherwin Rigor, board chairman ng Poro Point Management Corporation (PPMC), ang nasabing proyekto ay dinisensyo base sa international standard na isa sa mga kailangan ng mga namumuhunan na bahagi ng economic tourism.
“This project is composed of two parallel three-lane road divided with another single lane in the middle, additional bike lane each in right and left and a walkway with a total width of 24 meters wide. The road is 1.4 kilometers long that stretch towards the baywalk (near the San Fernando bay),” ani Rigor.
Ayon pa sa kanya, ang P100 milyong budget ng kalsada na mula sa Bases Conversion Development Authority (BCDA) ay bumaba sa P92,150,055.56 sa pamamagitan ng bidding at inirelease sa Department of Public Works and Highways para sa implementasyon.
Ang PPMC, subsidiary ng BCDA, ay magbabantay sa konstruksiyon upang makasiguro na ang plano at detalye ng proyekto ay maayos na magagawa.
Samantala, sinabi ni PPMC President Atty. Felix Racadio na may mga investor na nagpadala ng sulat na intensyong magtayo ng negosyo sa Freeport Zone ngunit nasa proseso pa sila ng negosasyon.
“There are some who wrote us and some have already called and informed our agency about their plans to make business here at Poro Point. But we are still in the process of discussion,” ani Racadio.
Aniya, nais pa nila ng karagdagang recreation area at leisure activities sa loob ng PPFZ dahil ang Thunderbird Resorts ay hindi kayang i-accommodate ang buong lokal at banyagang turista na dumarating.
Sinabi pa niya na ang bagong proyekto sa kalsada ay makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo sa lugar dahil isa ito sa mga kailangan na tinitignan ng mga lokal at banyagang namumuhunan.
Bukod sa PPMC officials, dumalo rin sina La Union First District Representative Pablo C. Ortega at former ABC President Mario Ortega sa programa. ERWIN BELEO-IDS/CMB / ABN

Amianan Balita Ngayon