P94-M budget karagdagang pondo sa pagresponde sa Covid-19 aprubado ng konseho

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa isang espesyal na sesyon na ginanap noong nakaraang Huwebes (Oktubre 7), inaprubahan ng konseho ng lungsod ang hiling ng ehekutibo para sa isang supplemental budget na may halagang PhP94.29 milyon upang tulong sa umuunti nang pondo ng lungsod para sa mga operasyon nito sa COVID-19.

Ang nasabing halaga ay maaaring makuha sa pag-realign sa mga appropriations na inilaan sa mga programa ng lungsod at mga proyekto na nananatiling hindi naipapatupad. Nag-isyu ang Local Finance Committee ng isang certificate ng availability of appropriations para sa realignment.

Sa kaniyang liham sa konseho ng lungsod ay sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ang halaga ay gagmitin sa mga operasyon ng lungsod sa COVID-19 na isang “prayoridad.”

“With the continuing rise of COVID-19 cases in our city and the seemingly unending threat of various variants of concern, we have to intensify our COVID-10 responses outlined in our resiliency and contingency plans,” pagbibigay-diin niya sa sulat.

Ipinaliwanag ng mayor na ang lokal na gobyerno ay kasalukuyang nakatutok sa pagtukoy sa karagdagang isolation at COVID-19 facilities upang tugunan ang tumataas na pangangailangan ng lungsod para sa mas marami pang pasilidad dahil sa patuloy na pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Patuloy din ang lungsod na pagpapalakas ng kampanya sa pagbabakuna nito upang marating ang target na populasyon at makamit ang herd immunity bago mataposa ang taon, dagdag niya. Ang lahat ng pagsisikap na ito, ayon sa punong ehekutibo ay nangangailangan ng pinansiyal na suporta.

Ang mga espesipikong proyekto na popondohan ng PhP94-M supplemental budget ay ang mga sumusunod: Maintenance ng dalawang isolation facilities, Sto. Nino Hospital (P18,143,761.00) at Baguio Teacher’s Camp (P16,714,494.00); contact tracing operations (P20,287,656.00); Baguio Convention Center Triage (P13,415,248.00); COVID-19 vaccine roll out activity (P20,635,316.00); pagprotekta at pagsanggalang sa vulnerable population (P4,338,600.00), pagpapalakas sa pagsasagawa ng mass testing sa mga mamamayan (P400,000.00); mental health care at wellness program (P201,450.00); at pagpapalakas sa Emergency Operation Center/One Hospital Command Center (P162,864.00).

Dahil sa pagkaapurahan ng bagay na ito, ang hiniling na supplemental budget ay inaprubahan ng konseho. Gayunpaman, ang Local Finance Committee at ang City Health Services Office ay hiniling na dumalo sa regular session ng konseho sa Oktubre 18, 2021 upang sagutin ang mga tanong ng mga miyembro ng konseho ukol sa inilaang halaga at linawin ang mga alalahanin ng mga miyembro ng konseho hinggil sa mga operasyon ng lungsod sa COVID-19.

(JGH/PMCJr.-ABN)