Pag-unlad ng Pilipinas hindi na sana mapigil

Ang ekonomiya ng Pilipinas ay ikinokonsiderang isa sa pinakamasiglang ekonomiya sa East Asia at sa Pasipiko. Noong 2018 ay nanatiling mataas ang Gross Domestic Product (GDP) sa 6.5% at inaasahang bahagyang tataas sa 6.6% para sa 2019 at 2020 ayon sa International Monetary Fund (IMF).
Ang mga pangunahing impluwensiyang pang-ekonomiya ayon sa World Bank ay ang mga solid fundamentals, competitive workforce, isang matatag na job market, steady remittances at pamumuhunan sa sektor ng konstruksiyon.
Ang pananaw sa paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas para sa 2020 ay positibo dahil ang pampasigla mula sa pag-gastos ng gobyerno sa mga proyektong imprastraktura ay palalakasin ang aktibidad sa pamumuhunan at konstruksiyon. Bukod dito, ang pag-gastos ng mga consumer ay nananatiling matatag dahil sa isang mahigpit na labor market, napapanatiling remittances at mas maluwag na mga kondisyon sa pag-papautang. Subalit ang matagal nang hidwaan ng US at China sa pangangalakal at patuloy na paghina ng sektor sa teknolohiya ay pinapalabo ang
pananaw.
Ang public deficit ng Pilipinas ay katamtaman sa 1.1% ng GDP noong 2018, inaasahang tataas ito ng bahagya sa 1.5% sa 2019 at 1.4% sa 2020. Nanatili ang public debt sa 39.8% ng GDP noong 2018 at inaasahang bababa sa 39.2% sa 2019 at 38.6% sa 2020. Ang inflation rate ay tumaas mula 2.9% sa 4.9% sa 2018 ngunit tinatayang bababa ito ayon sa IMF sa 4% sa 2019 at 3.3% sa 2020.
Ang domestic consumption ay nanatiling pangunahing tagasulong ng ekonomiya na nagtala ng 70% ng GDP. Ayon sa Heritage Foundation, kailangan ng institutional reforms sa kalayaan sa negosyo, kalayaan sa pamumuhunan at ang pangingibabaw ng batas. Sa kabila ng populist views ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang naunang di-matatag na polisiya at pagbaba ng pamumuhunan sa panahon ng kaniyang mandato, ang pagpapatuloy ng malayang reporma
sa ekonomiya ay nagtatag ng kumpiyansa na nagtala ng makasaysayang antas sa pamumuhunan sa nakalipas na dalawang dekada..
Nais ng administrasyong Duterte na ibaba ang poverty rate sa 17% at inaasahang aabutin ng ekonomiya ang “upper-middle income status” sa 2022.
Ang unemployment rate ay nanatili sa 5.5% noong 2018 at magkaperhong anta sang inaasahan sa 2019 at 2020 ng IMF. Subalit ang hindi-parehas na distribusyon ng kayamanan ay patuloy na tumataas at ang underemployment ay lumulutang sa 18% ng populasyon ng puwedeng magtrabaho. Ang Labour Force Participation Rate ay bumaba rin sa 60.1% noong Hunyo 2018 ayon sa CEIC. Ang populasyon na namumuhay ng mas mababa sa “poberty line” ay tumaas sa nakalipas na ilang taon, 33% ng populasyon at 75% sa ilang lugar ng southern Philippines.
Sa pahayag ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles ay aabot sa 5.5 milyong trabaho ang inaasahang malilikha ngayong 2020 sa tulong ng pribadong sector at kaugnay ng target na poverty alleviation ng huling tatlong taon ng administrasyong Duterte.
Ipinagmayabang ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang mga nagawa ni Duterte sa kaniyang unang tatlong taon bilang Pangulo gaya ng pagbaba ng crime rate, paglaban sa paglaganap ng mga iligal na droga, at pagpapatupad ng mga istratehiya upang maharang ang pagpapalaganap ng local communist rebellion at paglupil sa pagtatangka ng terorismo na naguugat sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Habang binigyan ng Pangulo ng prayoridad ang pagpapahusay sa kapayapaan at kaayusan sa bansa ay inilatag niya ang pundasyon na magdadala sa bansa sa pag-unlad at marating ang bagong pedestal. Maliban sa mga batas na nilagdaan ni Duterte para kapakinabangan ng mga Pilipino ay tinulungan nito ang bansa upang maging “isa sa pinaka-malakas na ekonomiya at nangunguna sa pag-unlad sa rehiyon sa pagpapalit ng klima sa pag-nenegosyo na nag-udyok sa pagdagsa ng foreign investments nagdala ng Golden Age of Infrastructure sa bansa dahil sa kaniyang Build Build Build Program.”
Dahil dito ay nakamit ng Pilipinas, sa ilalim ni Duterte ang pinakamataas na “credit rating” sa kasaysayan ng ekonomiya ng Pilipinas na may BBB+ upgrade mula sa global debt watcher Standard and Poor’s.
Nagawa daw ang lahat ng ito ng Pangulong Duterte sa kaniyang tatlong taong pambansang serbisyo habang binibigyan ang kaniyang mga kritiko at kaaway ng malayang espasyo upang mailahad ang kanilang hinaing. Marami na nga ang nagawa at asahan ng mga Pilipino na marami pa ang magagawa sa natitirang taon ng termino ng Pangulo. At kahit pa raw namamangha ang karamihan ng Pilipino sa mga nagawa ng Pangulo ay darating pa ang pinakamaganda.
Sa kabila nito ay dumating na tayo sa panahon ng pamumulitika, at hindi na natin ito maiiwasan. Ang tong 2020 ay panahon ng paghahanda sa 2022 pambansang halalan. Magiging abala na naman ang bawat politiko at nawa’y ang maganda at positibong pag-usad ng bansa sa pag-unlad at umabot sa bawat rehiyon ay hindi na maantala o mapigil dahil lamang sa politika at pansariling interes ng iba.

Amianan Balita Ngayon