Pagasa nagbabala sa nagbabadyang El Niño

Matapos ang naranasang sunod-sunod na pag-ulan na dulot ng habagat sa Luzon at Visayas noong mga nakaraang buwan ay nagbigay ng panibagong babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa posibleng pagbuo ng El Niño sa mga susunod na buwan ng Oktubre at Nobyembre ngayong taon  na maaaring magtagal hanggang Pebrero 2019.
Ito ang inihayag ni Ceferino T. Hulipas, chief meteorological officer  ng Pagasa, sa ginanap na pagpupulong ukol sa disaster response operations  para sa epekto ng habagat sa rehiyon ng Cordillera sa  Opisina ng Tanggulang Sibil noong Agosto 29,2018.
Ayon sa datos na nakalap ng Pagasa, tumaas sa 65 porsyento ang tsansa na mabuo at magkaroon ng tagtuyot bago matapos ang taon.
Dahil dito ay nagpapatuloy ang ipinapatupad na El Niño watch ng ahensya na nagsimula noong buwan ng Hulyo.
Samantala, inaasahan naman ang pagbaba ng pag-uulan sa rehiyon ng Cordillera at sa kabuuan ng Luzon at Visayas na may kasamang bahagyang pag-init ng panahon kumpara sa mga nakaraang buwan.
Ang Mindanao naman ay tinatayang makakaranas ng mas mababang tsansa ng pag-uulan kumpara sa Luzon at Visayas.
Bilang paghahanda sa maaari pang mangyaring sakuna, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Pagasa sa Department of Science and Technology (DOST) para sa “Project Noah”.
Ang Project Noah o Nationwide Operational Assessment of Hazards ay isang pangunahing disaster risk reduction and management program ng bansa sa ilalim DOST at ngayon ay nakainstall sa mga state universities.
Ito ay para mas maigting na mabantayan ang pag-uulan at at masubaybayan ang amount of rainfall sa rehiyon na ayon kay OCD Regional Director Ruben L. Carandang ay di lamang dapat nakamonitor sa mga rainfall sa lungsod ng Baguio at sa probinsya ng Benguet kundi sa lahat ng probinsya ng Cordillera upang mabigyan ng sapat na babala ang mga residente sa mga naturang lugar. DOROTHY M. REGINO, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon