PAGBABAGO

HABANG nalalapit ang Araw ng Pasko, bigaytodo namang pinaghahandaan ng bawat pamilya
ang muling pagsalubong sa pagsilang ng Sanggol. Bakas ang pagka-tuliro ng bawat isa. Pawis ay tagaktak, ngunit hindi alintana. Para bang karera kailangang iwagi, unahan sa pila, huwag lamang mahuli. Ilan lamang ito ang mga eksena ng buhay Disyembre na syang ugat ng walang puknat na pagkukumahog.

Huwag ng pagtakhan. Ganyan tayong Pinoy. Anuman ang agos ng buhay, tuloy pa ring sinasabayan. Walang makakaharang. Mayanan o naghihirap, tuloy ang paghahanda. Nagmamahal na bilihing Pang Noche Buena, okey lang at kakayanin. Ang mahalaga, merong mapagsasaluhan.
Pagsasama ng pamilya. Pagpapatawad sa mga pagkukulang. Pagsalubong sa bagong umaga na puno ng pag-asa anuman ang hamon na dala ng panahon.

Sa mga nakaaangat ng estado sa buhay, kusang bukas-palad na ipadama ang diwa ng Pasko.
Hayaang manaig ang pagnanasang maranasan ng mga dahop ang kahit kaunting kasayahang dala ng Kapaskuhan. Maging tunay na mukha ng bukas-loob na pagmamahal. Maging aginaldong totoo, at ipalasap ang damdaming bukas palad sa bawat isa. Isabog ang tuwa at saya ng isang maligayang Pasko para sa lahat. Dyan tayo aangat!

Amianan Balita Ngayon