Pagbubukas ng Loakan Airport, okay sa Luzon RDC

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinuportahan ng Luzon chapter of Regional Development Councils (RDCs) ang matagal nang hinihiling ng RDC-Cordillera at mga pribadong sektor para sa muling pagbubukas ng operasyon ng Loakan airport upang mapalakas pa ang inter-connectivity ng Cordillera sa iba pang mga rehiyon at probinsya.
Ayon kay Mayor Mauricio G. Domogan, na chairman din ng RDC-Cordillera, idinulog niya ang naturang isyu sa antas ng Luzon RDCs upang makaipon ng suporta mula sa iba pang regional policy-making bodies para mahimok ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na bigyan ng prayoridad ang operasyon ng Loakan airport.
“We are elated that the Luzon RDC chairpersons supported our repeated call to the national government to prioritize the operation of the Loakan airport, especially for commercial flights, so that we will be able to enhance the inter-connectivity of the Cordillera with other regions and provinces for improved growth and development,” saad ni Domogan.
Sinabi ng mayor na ang kailangan sa airport ay ang paglalagay ng alternatibong daanan upang tuluyang maisara ang runway sa mga sasakyan at motorista, at maging sa mga hayop, kasama na ang pagkuha ng pondo para sa pagtatayo ng state-of-the-art instrument landing system equipment magbibigay ng kakayahan sa paliparan upang magkaroon ng commercial operations kahit sa masamang panahon kung kailan zero visibility ang kapaligiran ng airport.
Ani Domogan, ang rehabilitasyon ng San Fernando airport ay iminungkahi rin sa ginanap na pagpupulong ng Luzon RDC chairpersons. Aniya, magsisilbi itong alternatibong paliparan kapag ang mga eroplano ay hindi makakalapag sa Loakan airport kung masama ang lagay ng panahon.
Sinabi rin ni Domogan na ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay inutusan na maghanda ng mga kaukulang dokumento na susuporta sa pinaigting na panawagan ng Luzon RDC na buksan ang Loakan airport para sa commercial flights kapag naisaayos na ang mga pasilidad nito mula sa pondo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Umapela pa ang mayor sa mga concerned government agencies na ikonsidera na bawasan ang nakakapagod na pagproseso ng mga lisensya ng airline companies na interesadong magbigay ng serbisyong Manila-Baguio-Manila na ruta upang mas marami pang airline company ang mahikayat na magbukas ng ruta at magbigay ng cargo services sa mga kliyente.
Ang Loakan airport ay nananatiling nakabukas sa chartered and military flights ngunit walang commercial flights ang lumapag sa paliparan mula pa noong 2009.
Giit ni Domogan na ang pagbubukas ng Loakan airport ng commercial flights ay magdudulot ng malaking paglago ng ekonomiya hindi lang sa Baguio City kundi maging sa iba pang kalapit na probinsya dahil mas maraming high-end tourists ang bibisita sa lungsod at iba pang kalapit na potential tourist destinations.
Nagpasalamat ang mayor sa pitong miyembro ng Luzon RDC group para sa kanilang pagsuporta sa naturang isyu.
Samantala tila “wish granted” ang hiling ng RDCS sa Luzon dahil sa paglilibot ni Tourism Secretary Wanda Corazon Tulfo Teo, sinabi niya sa panayam ng Amianan Balita Ngayon na ang administrasyon ni Pangulong Duterte ay nakatuon sa rehabilitasyon ng mga existing airport sa mga probinsya, ito ay upang mapabilis ang biyahe ng mga mamamayan at ng mga turista na naglilibot sa bansa.
Si Teo ay panauhin sa ika-10th Tikanlu Festival sa bayan ng Tagudin na kung saan ay sinabi niya kay Mayor Roque Verzosa na ang Tagudin ay isa sa mga “tourists potential “ dahil sa mayamang kultura nito at ang nalalapit na canonization ng yumaong Bishop Alfredo Verzosa.
Ani Teo siya ay bibisita rin sa lungsod ng Baguio at sa kalakhang rehiyon ng Cordillera upang alamin pa ang promosyon ng mga tourist spot sa nasabing rehiyon. Thom F. Picaña at PIO-Baguio / ABN

Amianan Balita Ngayon