PAGBUTI NG EMPLEO SA BANSA NARARAMDAMAN BA?

Sa inilabas kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng kanilang Labor Force Survey (LFS) para sa Pebrero 2023 kung saan ayon sa kanila ay nagpapakita sa kasalukuyang sitwasyon ng merkado sa paggawa kung saan ay nakakabawi na raw at patuloy ang pagbuti ng sitwasyon sa empleo ng bansa. Ikinatuwa ito ng Department of Labor (DOLE) at inihayag na may participation rate na 66.6% o nasa 51.27 milyon Pilipino ang sumasali sa labor force base sa Labor Force Survey na isinagawa nitong Pebrero 2023 kung saan ang bilang ay mas mataas ng 2.67 milyon kumpara sa labor force participation sa parehong panahon ng nakaraang taon, habang 1.548 milyon na mas mataas san a naiulat na labor force participation nitong nakaraang buwan.

Ayon sa DOLE ay mayroon ding pagtaas sa employment rate ng bansa na 1.6 percentage points o mula 93.6 % noong Pebrero 2022 hanggang 95.2% noong Pebrero 2023. Nangangahulugan daw ito na nasa 48.8 milyong Pilipino ang mayroong trabaho. Iniuugnay ng DOLE ang pagtaas ng empleo sa pagpapalawak ng trabaho sa wholesale and retail trade (repair of motor vehicles and motorcycles) (+701,000 o 6.96%); accommodation and food service activities (+580,000 o 34.8%); agriculture and forestry (+554,000 o 5.76%); at iba pang service activities (+362,000 o 13.83%); at fishing and aquaculture (+340,000 o 27.45%).

Samantala ay nakitaan ng pagbaba ang unemployment incidence o bilang ng manggagawang walang trabaho sa year-on-year comparison, mula 6.4 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 4.8 porsyento ng Pebrero 2023. Pareho din ang naobserbahan sa mga kabataang walang trabaho na ayon sa ulat ay bumaba ng 5.2 percentage points o mula 14.3 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 9.1 porsiyento ng Pebrero 2023. Bumaba rin ang underemployment rate ng 1.1 percentage points,
mula 14% noong Pebrero 2022 hanggang 12.9% ngayong taon.

Sa gitna daw ng tuluy-tuloy na momentum na ito ay patuloy na iniaayon ng DOLE ang mga inisyatiba, implementasyon, at mga polisiya nito sa pambansa at sektoral na mga plano habang kinikilala ang kasalukuyan at umuusbong na mga hamon sa merkado ng paggawa. Isa sa mga ito ay ang pagtatapos sa ginawang regional consultation ng Kagawaran para sa pagsasa-pinal ng Labor and Employment Plan 2023-2028, na alinsunod sa 8- Point Socioeconomic Agenda ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Patuloy din daw pakikipagtulungan ng Kagawaran sa mga pribadong sektor at mga asosasyon ng industriya sa paghahatid ng mga oportunidad sa pagpapalakas ng kanilang mga manggagawa upang magarantiyahan ang kakayahan at kasanayan ng mga manggagawa at pangangalaga sa trabaho ar binibigyang-prayoridad daw nito ang pagbibigay ng kasanayan sa mga manggagawa, lalo na ang mga bagong pasok sa lakas-paggawa, upang mapataas ang kanilang kakayahan at oportunidad na makapagtrabaho.

Sa nakalipas na tatlong taon kung saan tunay na iginupo ng pandemya ng Covid19 ang lahat ay marahil magandang balita ang resulta ng survey, subalit ang katanungan ay ito ba talaga ang tunay na “larawan” ng ating empleo sa bansa? Kapansin-pansin na sa mga nakaraang pagtaas sa empleo ay malaking bahagi nito ay mula sa sinasabing hindi regular na trabaho na, ang mga nagsasariling trabaho at mga nagmamay-ari ng mga sariling negosyo o pinagkakakitaan.

Huwag sanang tingnan ng gobyerno ang pagtaas sa empleo sa panlabas na anyo kundi ipakita ang totoong nangyayari at kondisyon sa pinakamababa, dahil kung patuloy ang ganitong pamamaraan ay iba ang iniuulat ng gobyerno sa totoong nararamdaman ng mga karaniwang Pilipino. At ang pag-aalok o paghahandog ng mga trabaho sa mga walang trabahong Pilipino ay huwag lamang sana sa tuwing sasapit ang paggunita sa Araw ng Paggawa kundi mapanatili ito habang isinusulong ang lahat ng mga karapatan, benepisyo at seguridad ng isang manggagawa kaalinsabay ng isang sapat na sahod na angkop at nakakasabay sa panahon.

Amianan Balita Ngayon