Pagbuwag sa PAGs, may kahihinatnan ba?

Sa pinakamatagal na panahon mula nang mamulat tayo sa politika at sa sistema nito at sa pag-usad nito ay naging tila kakambal na nito ang karahasan, dayaan, at panggigipit kung saan para magawa ito ay umusbong na rin ang pagkakaroon ng mga tinatawag na “private armed groups” (PAGs) ng mga politiko.
Nagiging alalahanin at problema ito ng Commission on Elections (Comelec) tuwing sasapit ang panahon ng halalan. Mula noon, hindi na mabilang ang naging biktima ng karahasan at pagpatay na may kauganayan sa politika (na halos lahat ay kagagawan ng PAGs).
Noong nakaraang taon ay natukoy na ng mga awtoridad at hinahangad na buwagin ang mahigit 150 “private armed groups” na ginagamit ng mga politiko sa buong bansa na maaaring maghasik ng karahasan bago ang 2022 pangkalahatang halalan.
Marami sa mga grupong ito ay nag-ooperate sa labas ng sentro ng politika sa Manila ayon sa mga awtoridad kabilang ang nasa Muslim autonomous region sa timog kung saan ihahalal nila ang sarili nilang mga lider sa unang pagkakataon sa susunod na taon. Nabubuhay pa rin ang ilang lugar sa Mindanao sa ilalim ng kultura ng karahasan at takot dahil sa paglaganap ng private armed groups.
Ang mga nagbabandera ng baril na mga sangganong ito ay patuloy na baghahasik ng lagim sa mga inosente, nagpapasimula ng malulupit na sagupaan sa mga kaaway na mga angkan, o itinutulak ang layunin ng mga makapangyarihan. Sino ba naman ang hindi makakalimot sa napakalagim na pangyayari sa kasaysayan ba may kaugnayan sa eleksiyon kung saan nasa 57 hanggang 64 na katao kabilang ang 25 mamamahayag ang minasaker sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Ayon sa mga awtoridad ay nasa 155 private armed groups ang nag-ooperate sa buong Pilipinas kung saan halos kalahati ay napaka-aktibo. Kinilala sila ng gobyerno bilang mga organisadong mga grupo na inupahan ng mga politiko upang manakot at maghasik ng karahasan
laban sa mga kalaban. Ang mga upahang mamamatay tao ng mga ito ay umiiral dahil sa napakatagal na kuktura ng baril sa Pilipinas, kasama na dito ang nag-aaway na mga angkan sa mga katribuhang lugar gayundin ang tunggalian ng mga dinastiyang politikal na nais higitan ang bawat isa.
Ang kamakailang insidente ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at mga bodyguard ng isang vice mayor sa bayan ng Pilar, Abra ay patunay na hindi pa nabubuwag ang mga “private armed groups” sa bahagi ng hilagang Luzon. Ang dalawang-araw na girian sa bahay ng vice mayor ay nag-ugat sa hindi pagtigil ng convoy ng sasakyan ng vice mayor sa isang check-point ng Comelec na ipinapatupad ng pulis, nagkahabulan at nagkaroon ng palitan ng putok at isa ang namatay sa mga tauhan ng bise alkalde.
Nagpatuloy ang tugisan hanggang sa bahay ng vice mayor kung saan nagtago ang mga ito hanggang sa sumuko na ang 12 tauhan ng vice
mayor kasama ang 14 na malalakas na uri ng armas. Napag-alaman din na mga dati at retiradong sundalo ang mga ito na nagsisilbing di-awtorisadong bodyguards ng vice mayor.
Itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas na ang mga private army at iba pang mga grupo na hindi kinikilala ng isang kibauukulang itinalagang awtoridad ay dapat na buwagin. Maliban sa pagbuwag sa mga armadong grupong ito ay kailangan ding unang baguhin ng gobyerno ang mga salik ng pangkabuhayan na lumikha sa kanila.
Kailangang tugunan ang mga kadahilanan kung bakit sumasama ang mga tao at binubuo ang mga armadong grupo ito at kung bakit kinakanlong sila ng mga politikal na dinastiya.
Ngayong nalalapit na ang halalan ay maaaring lumaganap na naman ang mga armadong tao na nakikita naman dahil sa may mga nahuhuli at mga balita ng mga krimeng may kaugnayan sa politika – ito ay sa kabila ng pagpupursige ng Comelec, una sa pagmandato ng gun ban at pagsasagawa ng mga “peace covenant”.
Sa nakaraang mid-term elections noong 2019 ay 23 katao ang napatay at 50 ang nasugatan, at hanggang 50 katao ang napatay na may kaugnayan sa eleksiyon noong 2016 ayon sa istatistika ng PNP. Painit na nang painit ang darating na halalan at kailangang makumbinsi ang mga politikal na angkan na buwagin na ang sangganong tauhan na nasa impluwensiya nila para sa mapayapang halalan.
Kailangan ding gipitin hindi lamang ang mga miyembro kundi pati ang mga lider ng mga grupong ito sa pag-iimbestiga at isakdal sila. Sa ganitong paraan ay matatanggalan sila ng mga pagdadahilan at pangangatuwiran na manatili at mabuo.
Ang tanong ay makakaya kaya ito ng gobyerno?, maaari. Sa ngayon marahil ay umasa na lamang tayo na mahikayat ng gobyerno ang mga grupong ito na sumuko o manganib na maging puntirya ng mga operasyon ng militar at pulis.

Amianan Balita Ngayon