Paggamit ng kalsada sa driving lesson, lilimitahan

Metro BLISTT

Inaprubahan ni Mayor Mauricio Domogan ang Ordinance No. 41 series of 2018 na maglilimita sa paggamit ng major roads sa lungsod ng mga driving school bilang teaching venue para sa practical driving lessons.

Ito ay upang maiwasan ang anumang peligro sa buhay at ari-arian na dala ng negosyo lalo na sa major roads.

Ipinagbabawal na ang paggamit ng kalsada sa loob ng Central Business District lalo na sa mga lugar na sakop ng Baguio City Number Coding Scheme o Ordinance No. 5 series of 2003 para sa mga driving lessons.

Sa nasabing ordinansa, ang mga lugar na number coding zone ay makikita sa perimeter line ng mga sumusunod: Naguilian Road mula sa junction ng Bokawkan Road hanggang sa junction ng Abanao Street-Abanao Street Extension ng Yandoc Street-Yandoc Street-Legarda Road hanggang sa junction ng Marcos Highway-Marcos Highway mula junction ng Legarda Road hanggang BGH Circle-Kennon Road mula sa BGH Circle hanggang junction ng Military Cut-Off Road-Military Cut-Off Road hanggang Military Circle-South Drive mula Military Circle hanggang Teacher’s Camp Road-M. Roxas Road hanggang Trancoville Bridge-Bokawkan Road (kabilang ang Magsaysay Avenue sa ilalim ng flyover) mula junction ng La Trinidad Road at Trancoville Bridge hanggang Junction ng Naguilian Road.

Kinakailangan din na ang mga sasakyang ginagamit para sa practical driving lessons ay may napinturahang mga palatandaan sa magkabilang panig na nagpapakita ng pangalan ng driving school, ang address at mga numero ng pagkontak kasama ang caution sign na “student driver” sa harap at sa likod ng kotse kapag ginagamit para sa driving instruction at tulad ng mga palatandaan ay dapat na nakikita at nababasa hanggang 10 metro.

Maliban dito, lahat ng applications na mag-operate ng driving school ay kinakailangang sumunod sa rules, regulations, procedures at standards para sa accreditation requirements ng Land Transportation Office.

Ang mga lalabag sa probisyon ng ordinansa ay magmumulta mula P500 hanggang P5,000 at revocation ng business permit.

“The use of major thoroughfares in the City of Baguio by driving schools in teaching driving lessons to student drivers may pose danger to life and property of drivers and motorists, commuters, and passers-by,” ayon sa panukala.

“The slow paced driving of student drivers forces succeeding vehicles to likewise slow down, causing congestion and other traffic woes.”

Ang South Drive, Leonard Wood Road, Outlook Drive Street, Loakan Road, at Happy Hallow-Kadaclan Circumferential Road ay mga major roads na kadalasang ginagamit ng mga driving schools sa pagsasagawa ng kanilang pagtuturo. A.P.REFUERZO / ABN