Paggamit ng mother tongue, isinusulong ng DepEd Cordillera

LA TRINIDAD, BENGUET – Bilang pagsuporta sa mandato ng Department of Education (DepEd) sa paggamit ng mother tongue sa pagtuturo sa mga batang mag-aaral ay ipinapatupad ng kagawaran sa Cordillera ang pagbibigay ng leksyon gamit ang mother tongue-based-multilingual education.
Ang mother tongue ay ang wikang ginagamit sa bahay o nakamulatan ng isang mag-aaral.
Naniniwala ang DepEd na ang paggamit ng mother tongue sa mga unang taon ng edukasyon ay makakatulong sa mas epektibo at mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral. Lumabas sa ilang pananaliksik na ang unang wikang nakamulatan ng isang bata ay malaki ang naitutulong sa mabisang pagsagap nito ng mga kaalaman.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 16, Series of 2012 o Guidelines on the implementation of the Mother Tongue-Based-Multilingual Education (MTB-MLE) ay ipinatutupad bilang isang asignatura mismo at bilang kasangkapan sa pag-aaral mula kinder hanggang ikatlong baitang.
Ginagamit ang 12 pangunahing wika ng bansa sa pagtuturo sa lahat ng asignatura maliban sa Filipino at Ingles. Ito ay ang Tagalog, Pangasinense, Bikol, Kapampangan, Hiligaynon, Waray, Tausug, Cebuano, Maguindanoan, Maranao, Chabacano at Iloko.
Ayon kay Ethielyn E. Taqued, education program supervisor ng DepEd-Cordillera, Iloko ang kinikilalang mother tongue sa rehiyon ng Cordillera.
Sang-ayon din siya sa pagtataguyod ng MTB-MLE dahil wala naman siyang nakikitang negatibong epekto nito sa mga guro, mag-aaral, at pati na sa lipunan.
Aniya ay makakatulong ito na mas maintindihan at maunawaan ng isang mag-aaral ang isang partikular na leksyon.
Isa rin sa nakitang solusyon ng DepEd ay ang pagsasalin ng wika sa mga pagsasanay na libro mula kinder hanggang ikatlong baitang upang mas mabatid ng mag-aaral ang mga pagsusulit na ibibigay ng guro.
Ang MTB-MLE, sa ilalim ng DO16, s.2012, ay nagsimulang ipinatupad sa mga pampublikong paaralan sa bansa noong school year (SY) 2012-2013 para sa Kindergarten hanggang sa ikatlong baitang bilang bahagi ng K to 12 Basic Education Program. MARK JASON SELGA, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon