Paggunita sa IP Month, hangad ang komportableng buhay

Ang National Indigenous Peoples Month ay ginugunita tuwing buwan ng Oktubre sa bisa ng Proclamation No. 1906 at Proclamation No. 486 na idinideklara ang Oktubre 29 bilang National IP Thanksgiving Day kaalinsabay ng ika-21 taon anibersaryo ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) at kaugnay nito ay hinihikayat ng Regional Development Council (RDC) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-CAR na ipagdiwang ito sa temang “Empowering Cordillerans Towards Comfortable Life”. Dito ay layong paiigtingin ang tuloy-tuloy na kaalaman na itinatampok ang iba’t ibang malinis na kultura ng mga IP/ICC ng rehiyong Cordillera. Ang pagdiriwang ay idineklara sa konteksto ng mga karapatan ng mga katutubo sa Pilipinas at pagpapanatili ng katutubong kultural ng komunidad bilang bahagi ng pamumuhay ng bansa.
Subalit pagkatapos ng 21 taon ng pagkalikha ng IPRA, ang ‘apat na bigkis ng karapatan’ ng mga IPs ay kailangan pang makamit dahil hanggang ngayon ay nasasadlak pa rin sila sa lahat ng uri ng mga paglabag. Hindi sapat na kinikilala lamang ang a) Right to Ancestral Domains and Lands; b) Right to Self-Governance and Empowerment; c) Social Justice and Human Rights; at d) Cultural Integrity. Kailangan magkaroon ng tiyak na tugon sa mga mapanirang pag-unlad at pagsasamantala sa mga lupain at likas na yaman, pag-angkin sa mga lupa na sanhi ng paglikas at pagpatay; mabagal na pagpapatitulo sa mga ninunong lupain (ancestral lands/domains) dahil sa kakulangan ng pondo at paglikha ng mga polisiyang di angkop sa mga katutubo; maling representasyon sa mga probisyon ng IPRA gaya ng ‘prior rights or vested rights’ na nagdudulot ng kawalan ng respeto sa kanilang ethnicity; lahat ng uri ng diskriminasyon at paglabag sa mga karapatang pangtao; pagrecruit sa mga kabataang katutubo kapuwa ng mga puwersa ng gobyerno at ibang armadong grupo para lamang isulong ang kani-kaniyang interes na kalauna’y sila-sila rin ang nagpapatayan.
Sa ilalim ng 1987 Constitution ay kinikilala at isinusulong ng Estado ang mga karapatan ng indigenous cultural communities na nakapaloob sa framework ng national unity at development. Nakasaad pa ayon sa mga probisyon ng Saligang Batas at national development policies at programs ay dapat protektahan ng Estado ang kanilang ancestral lands upang masiguro ang kanilang economic, social at cultural well-being. Sa ilalim ng IPRA ay kailangan magkaroon ng ‘free and informed prior consent’ ng mga katutubo na isasagawa sa pamamagitan ng mga konsultasyon bago magkaroon ng anumang desisyon na may kaugnayan sa kanilang ancestral domain. Hindi lamang ginagarantiya ng batas na ito ang karapatan sa impormasyon ng mga tao sa mga lugar kundi pati ang karapatan ng mga katutubo sa ‘free and informed prior consent’ bilang isang elemento ng makatarungang proseso.
Kung ang kawalan ng hustisya ay hindi maitatama, ang mga katutubong kaugalian at tradisyon ng nasa mahigit isang milyong katutubo sa Cordillera at mahigit labing-apat na milyon sa buong bansa ay maglalaho at ang tanong ay hindi na mahalaga ang posibilidad kundi ang oras ang dapat na isaalang-alang.
Tunay na naghirap ng lubos ang mga katutubo sa ating bansa at patuloy na maghihirap pa, subalit ang dapat isigaw ay hindi poot o paghihiganti kundi pagkakasundo. Sa pagkakasundo ay inaasahan ang pagkilala sa mga nakaraang kawalan ng hustisya, pagpapatawad sa mga instrumento ng gayong kawalan ng hustisya, at pagtanggap sa mga IPs bilang kapantay na kasama sa lipunan ng Pilipinas.  At sa pagbibigay kapangyarihan sa kanila ay makakamit ang isang komportableng pamumuhay.                                                                          PMCJr.

Amianan Balita Ngayon