Pagiging “persona non grata” ng CPPNPA may patutunguhan ba?

Sa nakalipas na mga buwan ay hinimok ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga lokal na opisyal sa buong bansa na ideklara ang Communist Party of the Philippines at ang New Prople’s Army (CPP-NPA) bilang “persona non grata” (di kanais-nais o di katanggap-tanggap) upang ipakita ang kanilang suporta sa gobyerno sa laban nitong wakasan na ang komunistang insurhensiya na nakikipaglaban sa gobyerno sa loob ng 50 taon na.

Pursigido ang gobyerno ni Pangulong Duterte na wakasan na ang insurhensiya at nilikha niya ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict na mismong pinamumunuan niya. Upang maisakatuparan ang hakbang ay pinutol ng Pangulo nitong Marso ng taong ito ang “usapang pangkapayapaan” sa mga komunistang rebelde matapos ang ilang beses na tangkang usapan na napunta lamang sa wala dahil na rin sa parehong akusasyon ng magkabilang panig na hindi naging tapat ang bawat-isa.

Sa pinakahuling tala ng DILG ay mahigit 270 LGUs na ang nagdeklara sa CPP-NPA bilang “persona non grata” sa pamamagitan ng mga resolusyon ng konseho, kabilang dito ang 11 probinsiya, mahigit 31 bayan, dalawang lungsod, at mahigit 241 barangay.

Kamakailan ay idineklara rin ng bayan ng Bantay, Sta. Cruz at Suyo gayundin ang Lungsod ng Candon sa Ilocos Sur kasama ang 11 barangay ang mga rebeldeng NPA bilang “persona non grata”. Nauna dito ay idineklara ng probinsiya ng Ilocos Norte at anim pang probinsiya sa North-Central Luzon, at Region 1 at Region 3 ang CPP-NPA-NDF bilang “persona non grata”.

Ayon kay Major General Lenard Agustin, commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division ng Army na sa loob lamang ng ilang buwan ay 57 barangay, 33 bayan, pitong probinsiya kasama ang Regional Peace and Order Councils (RPOCs) ng Region 1 at Region 3 ang nagdeklara sa CPP-NPA-NDF bilang “persona non grata”.

Ayon sa kalihim ng DILG, ang deklarasyon ay isang paghahatid ng “matinding mensahe sa mga kaaway” na sinisigurong nakahanda ang kapulisan at militar na magbigay ng karagdagang seguridad sa mga lokal na opisyal na nakatatanggap ng mga banta.

Habang sinusulat ito ay patuloy ang pagdagdag ng mga lokal na gobyerno sa pagdeklara ng pagtanggi sa rebeldeng grupo na kung pagbabasehan ang kanilang mga hakbang ay tila nagpapakita at nagpapahayag na nga ito ng kanilang pagkadismaya at marahil pagkasawa na sa komunistang grupo at hindi pagsunod at “pakikisama” lamang sa administrasyong Duterte sa laban nito sa insurhensiya.

Tama ang sabi ni Secretary Ano (na dating hepe ng AFP) na hindi nila kayang mag-isa na tapusin ang komunistang insurhensiya, kailangan nila ang tulong ng mga local government units, ng publiko at iba pang kinauukulan na binigyang-diin ang deklarasyon ng pagtanggi sa mga komunistang rebelde sa kanilang mga nasasakupan ay makatitiyak na walang suporta at tulong na makakarating sa grupo.

Sa kabilang banda, ang deklarasyon ba ng “persona non grata” sa rebeldeng grupo ay ang tangi at natitirang opsiyon at solusyon upang wakasan ang paghihimagsik at insurhensiya sa bansa? Wala na bang pag-asa ang mapayapang pag-uusap sa hapag ng negosasyon?

Gaya sa isang tahanan na sadyang nangangailangan ng katatagan at pasensya ang pagiging magulang. Ang mga magulang ay dapat umiwas na magtaas ng boses o pagbubuhat ng kamay dahil sa galit o kawalan ng pagtitimpi dahil magiging mapagmatigas ang anak.

Minsan ang pisikal na uri ng pagdidisiplina ay hindi epektibo sa mga ganitong bata sapagkat nasisiyahan silang itulak at malaman ang hangganan ng kanilang mga magulang. Ang mga magulang ng mga mapagmatigas na mga bata ay madalas na sinasabing ang kanilang mga anak ay tumatawa pa sa kanila habang sila ay pinapalo, kaya pwedeng sabihing ang ganitong paraan ng pagdidisiplina ay hindi mabisa.

Kaya sa deklarasyon ng pagiging “persona non grata” ay marahil nakasandig din sa payo ni Apostol Juan ukol sa mga di na mababagong rebelde, “Huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o magsabi ng isang pagbati sa kaniya.” (2 Juan:10)

“Bagaman maaaring napakahirap at napakasakit ng ganitong paninindigan, ito’y kailangan kung minsan upang maipagsanggalang ang natitirang miyembro ng pamilya. Kailangan ng iyong sambahayan ang iyong proteksiyon at patuluyang pangangasiwa. Kaya nga, ipagpatuloy ang pagkakaroon ng maliwanag, ngunit makatuwiran, na hangganan ng paggawi. Hatulan mo ang masamang ginawa, sa halip na ang bata. Nang magdulot ng ostrasismo sa pamilya ang dalawang anak ni Jacob dahil sa kanilang ginawang kalupitan, isinumpa ni Jacob ang kanilang marahas na pagkagalit, hindi ang mga anak mismo.”

Genesis 34:1-31; 49:5-7 Anu’t-anuman ang magiging kalalabasan ng hakbang ng gobyerno ay dapat maging handa ito at huwag sanang mawalan ng pag-asa na baka sa wakas ay magkabisa rin sa puso ng naliligaw na anak ang pagsisikap gaya ng talinghaga ni Hesus sa alibughang anak (prodigal son) na nagsisi, bumalik at pinatawad.

Amianan Balita Ngayon