PAGKASINO NG MGA KANDIDATO…. TALUPANG TODO!

Sa larangan ng pulitika…walang pinag-iba kung bibili ka ng gamit. Isinusuot, isinusukat at ginagamay ng iyong katawan kung tama o mali, babagay o hindi. Sa pulitika…sinusukat at tinitimbang ang kakayanang manilbihan ang isang kandidato bago siya husgahan kung karapat-dapat o isasapwera sa listahan. Mahirap ang estilo dahil sa isang kamalian, laging huli ang pagsisisi. Pasadahan natin ang ilang kumento ng bayan hinggil sa pulitika: Sa pangingilatis sa mga maninilbihan…parang “tsismis” o mga “marites”. Malaki naman ang maitutulong kung makikinig ka sa mga umpukan ng mga “madaldal”.

Ito kasi ang mga taong tratrangkasuhin kung walang masasagap na bagong balita. Ang masaklap nga lamang…kapag may pito siyang nakalap na tsismis…paglabas ng bunganga – labing-pito na. sa pulitika…yan ang “sablay”. So, tama ang sinsabi ng mga ninuno natin: kilatising maigi at timbangin, bago kagatin. Kung sa pagkain, hindi kumo kapipitas
ay puwede mo na itong ngasabin agad. Malay mo, baka may uod? Sa pulitika, marami itong uod na kapag pumasok sa iyong bituka, mahirap mo ng iluwa.

Kaya matoto tayong “ngumuya”. Hindi uubra ang lunok nang lunok at bulsa nang bulsa baka mapurga ka sa maling
akala. Uso na naman ang “gapangan”. Ang nakakatuwa at nakakainis ay yong katatapos mo lang ginapang ng isang kandidato, may nakalinya ng kasunod na gagapang. Sabagay, tama ang mga praktikal. Sa hirap ng buhay ngayon…isang katangahan daw ang hindi “PAGTUKA” (PARANG MANOK). Ang matindi pa kamo, pards…hindi basta-basta magagalit o maiinis si Mr. Candidate kapag nabuking niya ang panloloko sa kanya ng kanyang pinagkakatiwalaang lider kuno.

Kasi nga baka mapasama pa siya kapag lumabas ang kanyang ugaling “nambebembang” ng kaaway. Astang “maamong-tupa” si kandidato at kahit masakit ang ngipin ay nakakangiti pa rin hanggang teynga. Kahit nga may pigsa ang kilikili…todo higpit pa rin ang yakap sa mga botante. Kahit sa putik at mabahong kanal..kaya nilang
daanan. Pero pagdating ng bahay, halos purong alcohol ang kanyang ipanliligo. Hirap , pasakit, lakas ng loob, tiyaga, pasensiya, determinasyon at sipag at pagkukunwari ang paiiralin ng bawat kandidato sa panahong ito.

Mantakin mo ang sakripisyong ito na iisa lang ang hiling: makapanilbihan sa bayan. Sana pagkatapos ng halalan…matunaw na ang lisyang balak ng mga tumakbong mananalo. Sana wala yong “makakabawi” sa mga pinaghirapang pagtitiis noong kampanya. Kung bakit kasi hindi na maalis-alis ang kalakarang ito na para mas madali raw ang transaksiyon sa gobyerno…laging may dalang “panlatag” ang mga gustong makakuha ng serbisyo ng mga nakaupo. Parang kakambal na natin ang “short cut” na paraan para makamit ang gusto.

Sabi ng mga praktikal: marami ang kumakapit sa ganyang proseso dahil ayaw “magpagod”. Kulang na nga lang na ipangunguya pa sa iba ang pagkaing kanya ring lulunukin. Sana, sa panahong eto, ay makapaglukluk tayo ng mga kandidatong tapat at totoo ang hangaring makapaglingkud ng walang pag iimbot at kung meron mang ibubulsa, ay wag naman sanang parang buwayang ngasab lahat. Parang anaconda, lilingkis ng pagkahigpit-higpit hanggang sa mawalan ka nan g hininga. Masyadong pasakit sa PILIPINO. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon