Pagkasira ng P5M overpass, isinisi sa lokal na gobyerno

Iginiit ng pamunuan ng City Buildings and Architecture Office na sumunod ito sa height requirement ng Department of Public Works and Highways kaya hindi makatarungan na sa kanilang tanggapan isisi ang pagkasira ng P5milyong halaga ng overpass na nasira dahil sa pagsadsad ng bubong ng isang truck sa overpass na nakakonekta sa city hall patawid sa dako ng Baguio City Police Office.
Ayon kay Engr. Nazita Bañez, head ng CBAO, sinunod nila ang 4.27 meters na height requirement para sa overpass habang nakasaad naman sa Republic Act No. 587 na ang height requirement ng ano mang sasakyan ay hindi dapat tataas sa 4 meters.
Aniya, hindi dapat isisi ang pagkabangga ng trak sa mababang height ng overpass dahil sumunod sila sa batas.
Dagdag pa ni Bañez, kung nagpatong man ang DPWH ng aspalto sa kalsada ay may allowance pa rin at kung 4meters lang ang taas ng truck ay hindi pa rin ito mababangga.
Daan-daang truck na ang dumaan sa ilalim ng naturang overpass ngunit hindi nabangga, aniya.
Ayon naman kay Edgar Olpindo ng City Engineering Office, ang inisyal na dahilan ng pagkabangga ay ang bumabang height ng overpass at hindi na-inform ang kanilang tanggapan na nagpatong ng aspalto sa kalsada ang DPWH.
Aniya, noong nakaraang taon ay apat na beses din na may nabanggang ibang truck sa naturang overpass.
Ang panibagong P3.9milyong budget para sa rehabilitasyon ng overpass ay magmumula pa rin sa pondo ng lokal na gobyerno dahil hindi pa nakakasuhan ang may-ari ng truck.
Naka-blotter na ang may-ari ng truck at kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso.
Sa Pebrero 20, 2017 ay inimbitahan ng konseho ang mga kinatawan ng DPWH, CBAO at City District Engineering Office upang mapag-usapan ang issue sa overpass. Sarah Joy Balagtas, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon