LUNGSOD NG BAGUIO – Nasa unang pagbasa sa Sangguniang Panlungsod ang mungkahing ordinansa na nagnanais maglaan ng P10 milyong inisyal na pondo para sa scholarship program ng lungsod.
Ang naturang mungkahing ordinansa ay inihain nina Councilor Leandro Yangot Jr. at Councilor Levy Lloyd Orcales, kinatawan ng Sangguniang Kabataan sa SP.
Tinagurian bilang Baguio City Scholarship Program, layunin ng panukala na bigyan ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral ang mga estudyante na walang pantustos sa kolehiyo kung sila ay karapat-dapat at pumasa sa mga kwalipikasyon ng ordinansa.
Layunin din ng ordinansa ang magbigay pagkakataon para sa edukasyon, itaguyod ang pinakabagong agham at teknolohiya at skilled courses sa lungsod, at higit sa lahat gawin at hikayatin ang mga mag-aaral na maging produktibo para sa ikabubuti ng lungsod.
Kapag naaprobahan, ang scholarship program ay ipapatupad sa ilalim ng tanggapan ng mayor.
Ang mga kursong sakop ng scholarship program ay kinabibilangan ng foreign service, tourism, hotel and restaurant management, urban and regional planning, urban economics, urban sociology, social work at community development, child development, public health, public order and safety, environmental science, engineering, information and communication technology at accountancy.
Ang mga aplikante sa naturang scholarship ay dadaan sa Scholarship Screening Committee (SSC) at kailangang magsumite ng recommendation letter sa mayor.
Ang mga kwalipikasyon ng magiging iskolar ay dapat residente ng lungsod nang 15 taon, highschool graduate lamang ng mga paaralan sa lungsod, unang magiging freshman sa kolehiyo, papayag na mag-aral sa mga university na tinukoy ng SSC at desididong mag-enrol sa mga natukoy na kurso.
Isang miyembro ng pamilya lamang ang papayagan sa aplikasyon at ang scholarship ay renewable taon-taon hanggang sa makatapos ang iskolar.
Ang mga aplikante ay kinakailangang susunod sa mga tuntunin at kundisyon ng programa. Sila ay dapat mag-enrol sa madaling panahon pagkatapos maaprobahan ang kanilang scholarship, kunin lahat ng kailangan na subject sa kasalukuyang semester, ang kurso ay dapat isa sa mga tinukoy ng SSC, ang pinansiyal na halaga para sa isang iskolar ay tutukuyin ng SSC depende sa kanyang kurso at unibersidad, mapanatili ang 1.75 average para sa renewal, ang magiging thesis topic ay kailangang maaprobahan ng gobyerno ng lungsod, matapos ang kurso sa inaasahan na panahon at walang extension, kailangang lumahok sa mga aktibidad at programa ng lungsod sa panahong siya ay iskolar, magsisilbi sa lungsod ng dalawang taon pagkatapos ng kurso.
Maaring mawala ang scholarship kapag ang estudyante ay hindi susunod sa mga alituntunin ng SSC. DEBORAH AQUINO, UC INTERN