Paglaban sa COVID-19 responsibilidad ng bawat isa

Ang COVID-19 ay isa nang pandemic na kumakalat ng napakabilis na anumang tala ng mga impeksiyon at kamatayan ay dumarami na. Ang mga kaso sa labas ng China ay tumaas ng 13-beses sa nakalipas na dalawang linggo, na ang bilang ng mga impeksiyon sa buong mundo ay mahigit nang 126,000 hanggang Marso 12 at naapektuhan ang nasa 118 bansa kabilang ang Pilipinas.
Hanggang sa oras na ito ay naitala ng Department of Health (DOH) ang 64 kaso ng COVID-19 at lima na ang namatay sa Pilipinas. Nauna ng nagdeklara ang pamahalaan ng state of public health emergency at nito lamang gabi ng Biyernes (Marso 13) ay nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng isasailalim sa “community quarantine” ang buong Metro Manila na mag-uumpisa sa hatinggabi ng Marso 15, 2020.
Iniwan na ng Pangulo sa mga LGU ang desisyon kung magsasagawa rin ng local quarantine o local lockdown. Ang napakabilis na pagkalat ng COVID-19 virus (SARS CoV-2) ay isang umuusbong na isyu ng pampublikong kalusugan na malinaw na problema ng buong mundo.
Ang epidemiology ng COVID-19 ay bago sa atin at ang respiratory viruses na galing sa mga hayop papunta sa tao ay nangyayari at ang COVID-19 ay ang ikatlong bagong coronavirus sa tao ng ika-21 siglo.
Ang napakalawak na popular na atensiyong kaakibat ng COVID-19 outbreak ay marahil ang pinakabago at alalahaning aspeto ng epidemyang ito. Napakabilis kumalat ang mga balita sa buong mundo habang sa social media at mga impormal na pinanggagalingan ng mga ulat ay naglalabas at nagpapakalat ng maling impormasyon at “tsismis” ukol sa virus at epekto nito.
Sa konteksto ng umuusbong na epidemya ang ganitong maling impormasyon at sabi-sabi ay nakakahadlang sa implementasyon ng epektibong hakbang upang maampat ang pagkalat ng impeksiyon at mapababa ang epekto ng sakit.
Ang basic public health interventions ay malinaw na epektibo sa ginawang responde ng mga public health authorities sa China na naging matagumpay na nagpapakita ng abilidad ng simple, sistematikong interventions gaya ng rapid case detection, contact tracing, angkop na pag-quarantine, at iba pang mga hakbang na pinapairal na rin ng gobyerno dito sa Pilipinas.
Subalit ang mga intervention na ito ay maaari lamang na maipatupad sa tutok, epektibong komunikasyon at ipinamamahaging katapatan sa pagitan ng mga ahensiya ng pampublikong kalusugan at ng mga mamamayang pinagsisilbihan nito.
Ang mga tsismis at maling impormasyon ay sumisira sa komunikasyon at katapatan bagkus ay nagpapasiklab ito ng paranoia, takot, panic at stigma – popular na phenomena na kilalang gumagatong sa pagkalat ng nakakahawang mga sakit. Maging responsable tayo sa pamamahagi ng tama at nakabase sa ebidensiyang impormasyon sa social media at iwasang mag-umpisa o magpadala ng hindi beripikadong mga balita o fake news sa iba at sa komunidad.
Hindi ito magiging isang parang zombie apocalypse at ang panic ay hindi literal na makakatulong ngunit ang kailangan natin ay isang respondeng paghahanda na makakabawas sa pagkalat. Ang responsibilidad ng bawat isa ay nasa puso ng pamamahala sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19, na ang ating mga aksiyon ay nagdedetermina kung ang tanikala ng pagkalat at paghawa ay matagumpay na napatid o pagsisihang lumobo ito.
Habang ang mga bansa mula Italy hanggang Iran, mula Sweden hanggang South Africa ay nagkukumahog na labanan ang virus ay mas mahalaga kailanman na makinig sa mga payong eksperto ng mga institusyon gaya ng Department of Health at World Health Organization.
Ang karanasan sa China ay muling itinuro sa atin na sa pagharap sa pandemic, ang tamang dapat gawin ay maniwala sa siyensiya at mga eksperto sa pampublikong kalusugan. Minsan ang over-reacting ay mas mabuti na kaysa non-reacting.

Amianan Balita Ngayon