PAGLOBO NG KASO SA BAGUIO, ASAHAN PA

Headlines

BAGUIO CITY- Huwag maging kampante, dahil maging ang mga taong fully vaccinated na, ay hindi makakaligtas sa banta ng Omicron.

Asahan pa ang paglobo ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) dulot ng ‘community transmission’ mula sa mabilis na pagsipa ng Omicron variant.

Naitala sa magkasunod na arawang bagong pinakamataas na kaso noong Biyernes, Enero 14 ang 536 kaso at noong Huwebes,Enero 13 sa bilang na 516.

Nilagpasan nito ang unang highest record na 411 noong Setyembre 18,2021, sa kasagsagan ng pagdaluyong nakakamatay na delta variant.

Sa naitalang bagong kaso, 117 ang asymptomatic, 416 mild at 1 severe at 2 ang critical, samantalang 142 recovered, 1 death mula sa kabuuang 2,475 active cases.

May kabuuang 41 ang lockdown mula sa 21 barangay sa lungsod sapul noong Enero 14.

Pinalalahanan ng health authorities na ang isang bakunado ay hindi ligtas sa infections, subalit ang vacines at booster ay napakahalagang proteksyon laban sa severe infections, hospitalization at pagkamatay.

Sa datos ng City Health Service Office (CHSO), nasa 33 porsiyento ang ibinaba ng hospitalization sa mga active COVID-19 vaccinated patients mula Nobyembre 2021 hanggang unang linggo ng Enero 2022, kumpara sa magkaparehong buwan sa nakalipas na taon.

Dahil sa pangambang pagsipa ng omicron variant ay dagsa sa mga vaccination sites ang nagpapa-booster sa pag-asang malaking tulong itong panlaban sa virus.

Sinabi ni Mayor BenjaminMagalong sa kanyang huling projection na ang kaso na maitatala sa lungsod ay nasa 400-500 kada-araw kapag sumipa na mapanghawang omicron variant.

Aniya, ang active cases ay posibleng umakyat sa 9,000-10,000 bago ito unti-unting bababa makalipas ang dalawa hanggang tatlong buwan. Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang Philippine Genome Center na ang siyudad ay may omicron variant, ay malaki ang paniwala ni Magalong na ang community transmission sa bagong variant ay nararanasan na dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID.

“Malaking hamon sa atin ang variant na ito na hindi dapat ipagwalang-bahala at kahit sinasabing less severe lamag ito ay huwag po tayo maging kampante, dahil nakaka-apekto din ito sa ating kalusugan.”

“We learned a lot from our delta experience to make the needed adjustments and this makes us a lot more prepared now. The city saw doubling of the cases of admission at the isolation units which might be worse, thus the need to prepare.”

Ayon kay Magalong karamihan din sa mga kaso ngayon ay pawang vaccinated at para mapamahalaan ang mga kaso ay pinayagan ng siyudad home isolation para sa asymptomatic at mild patients,pero kailangang pumasa sa ito sa home quarantine standards, samantalang sa mga severe cases ay i-aadmit sa hospitals at temporary treatment and monitoring facilities (TTMF).

“Makaranas man tayo ng big number of cases, pero nakikita ko na kaunti lang magkakaroon ng severe symptoms at ma-ospital dahil sa matagumpay nating vaccination program at health protocls na ipinapatupad ng siyudad.”

Aniya, ang booster doses ay patuloy ang pagtaas sa mga vaccination sites, maging sa mga 1st dose,2nd dose at 12 to 17 aged group,dahil sa takot sa mabilis na nakakahawang omicron variant.

“Napakahalaga po ngayon ang booster para sa proteksyon ng kalusugan laban sa severe symptom ng omicron at nananawagan ako sa hindi pa bakunado na huwag ipagwalang-bahala ang bakuna.

Marami po tayong suplay at pwede na kayong mamili ng vaccine” Noong Enero 13, ay may kabuuang 585,469 vaccine ay naiturok sa lungsod (286,834 1st dose, 265,889 2nd dose), samantalang pumalo na sa 55,530 individuals ang nag-availed ng booster shots.

Zaldy Comanda/ABN