PAGMUMURA SA KONGRESO… DAPAT IPAGBAWAL NA!

Sa mga nagdaang araw….mainit pa rin na usap-usapan ang mga pagdinig na nagaganap sa Kongreso (Senado at House). Naunang nagkainitan sa isyu kay dating Banban Mayor Alice Guo dahil sa POGO. Sinundan ni Pastor Quibuloy sa mga sala-salabat na paglabag sa batas. Sumunod na ang isyu ng Confidential Fund sa OVP particular kay VP Sara Duterte na sinundan ng kontrobersiyang Extra Judicial Killings (EJK) noong panahon ng administrasyon ni dating Presidente Rodrigo Duterte. Dahil sa mga yan…hindi na lang taga-gawa ng batas ang
binabalikat ngayon ng mga Mambabatas sa Kongreso kundi naging “Imbestigador” na.

Sige…samahan natin silang manghimay sa mga kontrobersiya: Bagyong Kristin na sinundan ni Leon, maraming
buhay ang nabuwis at maraming ari-arian ang nasira kasama na ang pananim. Nag-eskapo si Leon dumating naman si Marce. Mas malakas. Ito ngayon ang pinaghahandaan ng ating pamahalaan lalo na sa mga tinutumbok nitong mga lugal kasama na ang Northern portion ng Benguet kung saan naka-signal number one. Tiyak, lalong magmamahal ang presyo ng mga gulay mula sa mga babagyuhing lugal. “ Matik” yan, sabi ng marami. Basta’t may kalamidad, may “taas-presyo”. Hindi lang dublado. Triplado pa kung minsan.

Matatandaang may daplis ang dating Pangulong Digong na hindi niya kikilalanin ang imbestigasyon ng Kongreso kundi sa korte lang. Pero siya ay naamuki ring dumalo sa hearing. Sa pagdinig na naganap, napansin ang walang-habas na pagmumura lalo sa sagutan nina Ex-Pres. Digong at Sen. Risa Hontiveros. Kaya nga’t pati na si Sen. Koko Pimentel ay nakiusap kay Duterte na huwag magmura. Pero sige pa rin siya. Dahil dito, umupak na si Senate President Chiz Escudero (pagkatapos ng hearing) at sinabing hindi katanggap-tanggap ang pagmumura ng dating
Presidente. Sabi pa ni Escudero na mistulang pinagyabang pa ni Duterte ang kanyang ginawang pagmumura.

Sabagay…lahat naman ng mga tinanong sa kanya (Duterte) ay kanyang derektang sinagot. Inamin niya na mayron siyang sariling “death squad” o ang Davao Death Squad (DDS). Sabi niya na mga “gangsters” at “mayayaman” ang DDS. Nabuo daw ito noon pang siya ay mayor ng Davao City na sa huli ay inamin niyang mga dating chief of police niya sa Davao ang kasapi sa kanyang DDS kasama pa si Sen. Bato. Dahil sa pag-amin na ito ni Duterte, nabuhayan ng loob ang mga kaanak ng mga biktima ng EJK at nagkaisang sampahan na ng kaso si Digong. Aasiste naman daw
ang Senado sa pagsasampa nila ng kaso at hihikayatin daw si Pres. Ferdinang Marcos Jr. na payagan nang makapasok ang International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Hanggang ngayun, matigas ang posisyon ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. na huwag papasukin sa bansa ang ICC sa kabila ng pag-amin ni Ex.Pres. Duterte sa isyu ng mga pagpatay sa panahon ng kanyang giyera laban sa droga. Ayon kay Pres. Bongbong…hindi na kailangan ang ICC dahil kumikilos naman ang hustisya sa bansa. Maalaala na sa kampanya laban sa illegal na droga noong 2016, abot sa 6,000 ang napatay sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ng PNP. Pero sa ulat ng human rights group, aabot sa 30,000 ang napatay sa buong bansa mula ng ilunsad ng PNP ang “Oplan Tokhang”. Nang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee si Duterte, tahasan niyang inamin ang madugong giyera at ipinagtanggol ito kung bakit daw niya ginawa…para sa bayan.

Huwaqg daw siyang husgahan dahil para daw sa kapakanan ng sambayanan ang ginawa at huwag din daw husgahan ang mga pulis kasi utos niya. Nang tanungin ni Sen. Hontiveros kung sinu-sino ang mga miyembro ng DDS, ang sagot ni Pres. Digong ay hindi na raw niya maala-ala dahil matanda na siya – 73 yrs. Old na pero libo raw ang kanilang pinatay. Dahil dito…mas mabigat na pundasyon ng mga kaanak ng mga biktima ng EJK na kasuhan si Digong. Tanong: hanggang saan kaya aabutin ang kasong ito laban sa dating pangulo? Kailan makakamtan ang hustisya ng mga biktima? Tanong pa: maaalis pa kaya ang pagmumura ni Digong kung ito ay katauhan na niya? Adios mi amor, ciao, mabalos

Amianan Balita Ngayon