Pagpapabakuna sa mga bata, isinusulong sa Dagupan

LUNGSOD NG DAGUPAN – Inamin ng isang opisyal ng city health office na mababa ang bilang ng mga batang sumailalim sa kanilang school-based immunization program, katulad ng iba pang lugar sa bansa, dahil sa takot na idinulot ng issue ng Dengvaxia vaccine.
Ito ang dahilan kaya umaapela ang city health office sa mga magulang ng mga batang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan na suportahan nila ang school-based immunization program ng Department of Health (DOH).
Matatandaan na ilang mga bata ang namatay bunsod ng komplikasyon na iniuugnay sa dengue vaccination program ng Aquino administration. Noong nakaraang taon ay inamin ng gumawa ng vaccine na Sanofi Pasteur na ang produkto nilang Dengvaxia ay nagbibigay ng mas mataas na peligro sa mga taong nabakunahan na hindi pa nahawaan ng dengue virus.
Sa kabila nito, iginiit ni Dr. Ofelia Rivera, city health officer, na mahalaga ang pagpapabakuna.
“DOH will not do it (immunization program) if it will have negative effects on the children,” paniniguro ni Rivera sa mga magulang na dumalo sa Dagupan City National High School Parent-Teachers Association (PTA) Summit.
Sinabi ni Rivera na kailangan ang pahintulot ng magulang bago mabigyan ng bakuna ang isang bata.
“Sana payagan ninyong bakunahan namin ang inyong mga anak. Libre ang mga bakunang ibinibigay sa Grades 1, 4 at 7. Importanteng maprotektahan ang mga bata laban sa mga sakit na preventable sa pamamagitan ng bakuna,” apela ni Rivera sa mga magulang.
Aniya, kung ipapabakuna ang mga bata sa private clinics, “it may cost up to P3,000 per dosage.”
Paliwanag ni Rivera, ang Grade 1 pupils ay binibigyan ng measles-rubella (MR) at tetanus-diptheria (Td) vaccines, ang Grade 4 pupils ay binabakunahan ng human papillovirus vaccine, habang ang Grade 7 ay binibigyan din ng MR at Td vaccines.
“Maraming sakit kung saan pwedeng maprotektahan ang mga bata sa pamamagitan ng bakuna. Binabaha po tayo kapag may bagyo, importante na may proteksyon ang mga bata laban sa tetanus dahil kung minsan sa paglalakad sa baha, nakakaapak sila ng matulis o nasusugat ang kanilang paa,” aniya.
Ipinaalala rin ng doktor sa publiko ang kampanya ng pamahalaang lungsod laban sa leptospirosis, athlete’s foot at dengue.
Sinabi niya na mula noong huling linggo ng Hulyo, nang nanalasa ang mga bagyong Henry, Inday at Josie sa lungsod at sa buong lalawigan ng Pangasinan, ang pamahalaang lungsod ay nagpapamahagi na ng libreng prophylaxis kontra sa leptospirosis at ointments kontra sa athlete’s foot.
Samantala, upang makaiwas sa dengue, hinimok ni Rivera ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa tahanan at sa kapaligan at iwasan ang mga bagay kung saan naiipon ang tubig na maaaring pangitlugan ng lamok. L.YPARRAGUIRRE, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon