Pagpapahusay sa LT municipal jail, gagawin

LA TRINIDAD, Benguet – Karapatan din ng mga bilanggo na ngayo’y tinatawag na persons deprived of liberty (PDL) na magkaroon ng disente, maayos at ligtas na lugar na matutuluyan.

Dahil dito, ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa suporta ng lokal na gobyerno ay magsasawa ng ilang pagpapahusay sa municipal jail ng bayan para sa isang ligtas at secured jail facility at isang haven para sa correctional improvement.

Sinabi ni Senior Jail Officer John Melecio na kabilang sa pagpapahusay ay ang konstruksiyon ng multifunctional hall para sa pangrelihiyon; pangkabuhayan at iba pang aktibidad; riprapping ng
gumuhong bahagi ng compound; paglalagay ng combat wires; probisyon sa katagdagang perimeter lights; upgrading ng perimeter fence para magkaroon ng mas higit na privacy; at probisyon ng closed cicuit television para sa monitoring ng mga aktibidad.

Itinalaga rin nila ang Women’s Association of Pinsao Pilot sa lungsod ng Baguio upang tumulong sa pagkakaroon ng mga income generating project para sa mga PDL gaya ng produksiyon ng foot rug at wall decor making.

“We are also trained to care,” ani Melecio at ipinagmayabang ang tagline ng Bureau, “Changing lives, building a safer nation.”

Kaugnay sa mahigpit na kautusan ng gobyerno sa kampanya laban sa droga ay sinabi ni Melecio na pinaigting nila ang paglilinis ng droga sa pasilidad gaya ng pagsiguro na walang mga kontrabando sa pamamagitan ng mga operasyon ng mga kinauukulang ahensiya.

Isinasagawa rin ang regular na drug testing sa mga PDL at jail personnel bawat buwan. Gayundin, ang information education sa masamang epekto ng iligal na droga at paninigarilyo ay isa ring buwanang aktibidad ayon pa kay Melecio.

Sa performance at compliance sa mga panuntunan ng drug clearing base sa matinding assessment at validation, ang drug facility kabilang ang hiwalay na mga district jail para sa mga lalake at babae ay nagawaran ng sertipikasyon bilang drug-free at drug-cleared noong Nobyembre 13, 2018 ng Cordillera Regional Oversight Committee na pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Authority-CAR.

PIA-CAR/PMCJr./ABN

Amianan Balita Ngayon