Pagpaparangal sa centenarians, nais pagaanin

LUNGSOD NG BAGUIO – Patuloy na isinusulong sa Sangguniang Panlungsod na maamyendahan ang ilang probisyon ng City Ordinance No.45 “Honoring of the Centenarians of the City of Baguio”.
Ang City Ordinance No. 45, series of 2013, ay kumikilala sa mga ambag ng mga mas nakatatanda sa lipunan kabilang ang pagbigay ng parangal sa mga Centenarian o nakaabot ng edad 100 na residente ng lungsod.
Nakasaad sa naturang ordinansa na ang pangunahing kwalipikasyon ay presensya ng awardee sa nakatakdang araw ng seremonya.
Gayunpaman, gumawa ng bagong panukala si Vice Mayor Edison Bilog upang baguhin ang probisyon sa personal na pagtanggap ng awardee. Katwiran ng panibagong ordinansa ay ang maaaring mga hadlang sa mga awardee para sa kanilang pagdalo sa awarding ceremony. Ang pagkakaroon ng sakit ng awardee sa nataong panahon ng award o ang pagkamatay ng awardee bago ang ganapin ang awarding ay hindi dapat maging dahilan para hindi maibigay sa awardee ang nararapat na parangal para sa kanila.
May mga ilan nang insidente ang naitala kung saan hindi na natanggap ng awardee ang kanilang plaque of recognition mula sa city government dahil sa mga nasabing dahilan.
Kapag naaprubahan ang inamyendahang panukala ay maaari nang maigawad ang Centenarian award ano man ang sitwasyon ng mga awardee.
Ilan sa binago sa panukala ay ang pagpayag sa mga kamag-anak ng awardee na tanggapin ang award mula sa city government kung ang mga awardee ay hindi makakadalo sa seremonya bunsod ng karamdaman. Ipagkakaloob ang plaque of recognition at congratulatory resolution ng city government sa pinakamalapit na kamag-anak. Kung ang awardee ay namatay na, isang posthumous plaque of recognition at condolence mula sa city government ang matatanggap ng kanyang pinakamalapit na kamag-anak.
Sa kasalukuyan ay nasa ikalawang pagbasa ang mungkahing panukala. DEBORAH AQUINO, UC INTERN

Latest News

Amianan Balita Ngayon