Pagsugpo sa dengue ay kapuwa obligasyon ng gobyerno at mamamayan

Idineklara ng Department of Health (DOH) noong Lunes ang isang “national dengue alert” sa gitna ng biglaang pagtaas ng mga kaso ng viral na sakit sanhi ng babaeng lamok na Aedes aegypti sa ilang rehiyon ng Pilipinas. Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, mula Enero 1 hanggang Hunyo 29 ng taong ito ay nasa 106,630 kaso ng dengue ang naitala na sa buong bansa, 85 porsiyentong pagtaas mula sa 57,564 mga kasong naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon at 456 ang namatay.

Unang pagkakataon ito na nagdeklara ang DOH ng national alert dahil malinaw daw ang layunin nito na nais nilang itaas ang kamalayan ng publiko at mas mahalaga sa mga komunidad kung saan ang maagang mga senyales ng pagtaas ng dengue ay kitangkita.

Sa kabila nito ay nilinaw ni Duque na walang pambansang epidemiya dahil ang mga kaso ng dengue ay lokal lamang at rehiyunal. Ang mga rehiyon ng Mimaropa (4-B), Western Visayas, Central Visayas at Northern Minadanao ay lumagpas na sa epidemic threshold para sa dengue.

Karamihan sa mga kaso ay mula sa Western Visayas na may 13,164; Calabarzon – 11,474; Central Visayas – 9,199; Soccsksargen – 9,107; at Northern Mindanao – 8,739 para sa peryodo ng Enero hanggang Hunyo 29 ng taong ito.

Samatala, minomonitor naman ang mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region, matapos lumagpas sa alert threshold.

Ayon sa DOH, ang mga kaso ng dengue ay naobserbahang tumataas kada tatlo hanggang apat na taon kung saan ang huling pagtaas nito ay noong 2106 na kung susundan ang pattern na ito ay inaasahan ng departamento na tataas ang mga kaso sa taong ito.

Ang dengue na isang viral disease ay hindi nagagamot sa pamamagitan ng antibiotics at bakuna kaya ang maagang pagtuklas at tamang pamamahala sa kaso ay makakapigil sa pagkamatay ng biktima. Ang epektibong pagmamanman ay makakatulong din sa pagpapababa ng mga kaso at kamatayan kung ang mga lugar na may “clustering” ng mga kaso ay matutukoy ng maaga. Ang mga senyales at sintomas ng sakit na dengue ay ang matinding pananakit ng ulo, pananakit sa likod ng mga mata, matinding sakit sa kasukasuan at laman, pagod, pagkahilo, pagsusuka at pagpapantal ng balat.

Muling ipinagdidiinan ng DOH na ang istratehiyang 4-S ang nananatiling pinakaepektibong paraan upang mapigilan ang mga kaso ng dengue at pagkamatay, ito ang: Search and destroy mosquito breeding places; Self-protective measures like gaya ng pagsusuot ng long sleeves at paggamit ng insect repellent; Seek early consultation on the first signs and symptoms of the disease; at Say yes to fogging if there is an impending outbreak.

Habang wala pang gamot sa dengue at ang patuloy na paglaganap nito, ang pagtaas ng mga kaso at pagkamatay ay lubhang nakababahala na. Hindi rin kaya ng gobyerno na mag-isang pumuksa sa mga lamok na may dalang dengue dahil hindi lahat ng pagkakataon ay may panahon at puwersa sila, hindi rin nila makakayang mabantayan ang lahat ng lugar dahil na rin sa kakulangan ng manpower at kagamitan.

Kaya ang lubos na pakikipagkaisa ng tao, ng bawat isang mamamayan sa mga programa ng DOH at gobyerno sa pagsugpo at pagtugon sa banta ng dengue ay napakahalaga at kinakailangan. Kailangang bantayan at linisin natin ang sarili nating kapaligiran at bakuran, sundin ang mga paalala ng mga ahensiyang nakatutok sa kalusugan, dahil sa bandang huli ay wala tayong magagawa sa pananalakay ng mga nakamamatay na lamok hangga’t may pinamumugaran sila at may sinasalakay.

Ang pagsugpo sa dengue ay kapuwa obligasyon ng gobyerno at ng mamamayan – sama-sama at nagtutulungan.

Amianan Balita Ngayon