Pagsusuot ng unipormeng palda, sinuspinde ng DepEd-Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Upang makaiwas sa lalo pang pagtaas ng mga tinatamaan ng dengue ay sinuspinde ng Department of Education sa Benguet ang pasusuot ng paldang uniporme sa paaralan.
Sa inilabas na Division Memorandum Order No. 122, series of 2018, ng Benguet Schools Division ay sinuspide ang pagsusuot ng mga paldang uniporme sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ng elementarya at sekondarya sa buong probinsya mula Hunyo hanggang Setyembre 2018 bilang pagsuporta sa national campaign ng Department of Health (DOH) na dengue risk-free Philippines sa pamamagitan ng pag-iwas at pagkontrol sa dengue infection at iba pang vector-borne diseases.
Ito ay maliban sa umiiral nang DepEd Order No.45, Series of 2008, na nagsimulang ipinatupad noong administrasyon ni dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, na nagsasaad na hindi isang requirement ang pagsusuot ng uniporme sa mga pampublikong paaralan.
Nilagdaan ang nasabing Division Order ni Marie Carolyn B. Verano, Career Executive Service Officer (CESO) VI ng Schools Division Superintendent ng DepEd-Benguet, upang protektahan ang mga estudyante at mapigilan ang pagtaas ng bilang ng dengue cases.
Batay sa datos na nakalap ng Provincial Health Office (PHO) ng Benguet, mayroon nang naiulat na 201 na pinaghihinalaang kaso ng dengue mula buwan ng Enero hanggang Abril ngayong taon. Tinatayang 64 porsyento ang itinaas nito kumpara noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Ayon kay Georaloy I. Palao-ay, public affairs officer at deputy regional sports coordinator ng DepEd-Cordillera, hindi sapilitan ang pagsuot ng uniporme sa paaralan lalo na tuwing panahon ng tag-ulan at mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapataw ng parusa sa mga estudyante na hindi nakauniporme.
Aniya, bukod sa pagsususpinde sa pagsuot ng palda, mas mainam pa rin ang paglilinis sa bakuran ng paaralan para masiguro na hindi pinamumugaran ng lamok na may dalang dengue ang mga eskwelahan.
Dagdag pa niya na sinisigurado ng DepEd na ligtas ang mga mag-aaral at hindi makakakuha ng anumang uri ng sakit sa loob ng paaralan. MARK JASON SELGA, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon