Pagtaas ng bisita sa Baguio ngayong Hunyo iniulat ng CTO

LUNGSOD NG BAGUIO – Nag-umpisang dumami ang mga bisita na umaakyat sa Baguio ngayong buwan. Iniulat ni City Tourism Officer Aloysius “Alec” Mapalo sa Ugnayan media forum noong Miyekoles na tumataas ang touristb arrival sa Baguio na may 1,400 bisita ang naitala sa unang linggo at 2,978 sa ikalawang linggo ng Hunyo.
Iniugnay ni Mapalo ang pagdami ng bisita sa pag-alis ng travel restriction sa NCR Plus Bubble, gayundin ang subsidiya ng antigen test na iniaalok ng Tourism Promotions Board sa mga turista na may discounted price na PhP350 sa Central Triage area ng lungsod sa Baguio Convention Center.
Maraming tao na ang naiinip at sabik nang magbiyahe at kahit tag-ulan na ay nais pa rin nilang maranasan ang malamig na klima ng Baguio, ani Mapalo.
Para sa mga turista o leisure travelers, hinihingi ng pamahalaan ng lungsod sa kanila na magparehistro sa www.visita.baguio.gov.ph para sa kanilang QTP Pass (at least 24 hours before traveling in). Negative RT – PCR, Antigen o Saliva Test sa nakalipas na 72 oras ay kinakailangan din bago makapasok.
Sa ilalim ng travel guidelines ng Baguio, maaaring magpa-book ang mga turista sa DOT- accredited hotels at accommodations o manatili sa kanilang kamag-anak o kaibigan at kailangang ideklara nila ang kanilang buong pangalan, address at contact number para sa monitoring. Maaari din silang maging isang-araw na bisita na hindi tatagal ng isang gabi sa lungsod.
Ipinaalala rin ni Mapalo sa mga bisita na lagging sundin ang minimum public standards at safety protocols na mahigpit na ipinapatupad sa lungsod. Para sa karagdagang mga impormasyon sa travel guidelines ng Baguio City, maaaring bumisita sa facebook page – Baguio City Public Information Office.
(CCD-PIA CAR/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon