Pagtanggap ng regalo, gusot pa rin!

Sala-salabat na mga kurokuro at tsismisan ang naging bunga ng banat ni Pres. Duterte kamakailan na hindi bawal tumanggap ng regalo ang mga pulis kung ito ay bilang pagkilala sa kanilang trabaho.

Marami ang hindi sumang-ayon sa naturang mensahe. Ito raw ay bawal dahil may batas sa bansa na sumasaklaw na naturang isyu.

Kaya tuloy may nagpahapyaw na parang nabalewala ang batas na nagbabawal sa mga tauhan o empleyado ng gobyerno na tumanggap ng anuman, kahit regalo pa ito.

In short, kinakailangang busisihin ito: Buhay pa ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na mahigpit na nagbabawal sa pagsolicit o pagtanggap ng anumang regalo at anumang may kinalaman sa pera sa sinumang tao na ang katungkulan ay may kinalaman sa operasyon ng isang tanggapan.

Ayon sa naturang batas, kapag tumanggap ang opisyal o empleado, maapektuhan ang mga function ng naturang tanggapan. Natural ang ganitong eksena dahil sa tinatawag na pagkilala ng utang na loob lalo kung malaki-laki ang halaga ng regalo.

Katumbas ito ng korapsiyon lalo kung apektado na ang kalidad ng patrabaho dahil lamang sa isyu ng regalo o bigay.

Tanong: hindi kaya alam ng Pangulong Digong ang laman ng naturang batas na ito at napahapyawan niyang hindi masamang tumanggap ng regalo ang mga pulis?

Sa praktikal na pananaw, hindi raw masama ang tumanggap ng regalo bilang pagkilala sa iyong nagawa. Ang masama raw ay yung ang empleado mismo ng gobyerno ang siyang humihingi ng regalo kapalit ng kanyang trabaho.

Maliwanag na ito’y pangongotong na, di ba? Pero kung kusang-loob na iniregalo ang isang bagay, bakit ipagbabawal ng ating batas? May daplis nga si Senador Lacson kamakailan: kung bawal talaga ang pagtanggap ng regalo, baka wala na raw matitirang empleyado ng gobyerno.

He he, medyo may katotohanan yata ang daplis ni senador pards. Kasi, uso yung kaugaliang regalo “for the boys” para masaya ang lahat.

At siyempre, lahat ng nawisikan ng regalo may pananagutan sa RA 6713, di ba? Kaya tuloy nagbiro si Lacson na baka wala nang matitirang taga-gobyerno pag nagkataon kung paiiralin ang ating batas.

Sang-ayon naman si Sen. Ronald dela Rosa sa sinabi ng Presidente na walang masama kung tumanggap ng regalo bilang pagtanaw ng utang na loob o pasasalamat. Inamin ng senador na tumanggap din siya ng regalo bilang pasasalamat sa kanya.

Maski nga si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde ay inaming tumanggap din ng regalong lechon sa mga iba’tibang okasyon. At tiyak marami pang mga empleyado ng gobyerno ang aamin na sila rin ay nakatanggap ng regalo bilang pasasalamat.

In short, parang pangkaraniwang kaugalian na ng mga Pilipino ang “pagtanaw ng utang na loob”, ang pagreregalo, lalo na tuwing Disyembre. So, para daw hindi praktikal na ipagbawal ito. At dahil may batas nga tayo, ang tanging solusyon na lamang ay para sa Kongreso.

Kinakailangan nating amyendahan ang batas na ito (RA 6713-at mga kauring batas pa) at iangkop ito sa tradisyon, kaugalihan at pangkaraniwang pagpapakita ng pasasalamat at pagkilala sa nagagampanan ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Habang sinusulat ang espasyong ito, may mga hakbang na sa mababang kapulungan upang isulong ang planong amyemda. Aabangan ng bayan ang resulta.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon