Pagtatapon ng nagamit na mantika sa lungsod, nais kontrolin

Inaprubahan ng City Council sa unang pagbasa ang mungkahing panukala na pagre-regulate transport, storage, reuse, recycle, reprocessing, o disposal ng nagamit na mantika at greasetrap waste ng mga hotels at restaurants, bakeshops, canteens, food stalls at katulad na establisimyento sa lungsod at pagbibigay ng multa sa paglabag nito.
Ang panukala ay iniakda ni Councilor Leandro B. Yangot Jr., na nagsasaad na ito ay maidedeklarang polisiya ng lokal na pamahalaan upang maiwasan o mabawasan ang panganib sa kalusugan sa daan at polusyon sa tubig sanhi ng di tamang pagtatapon, paglilipat, pag-iimbak, reuse, recycling o reprocessing ng nagamit na mantika o greasetrap waste ng mga establisimyento na responsable na nag-ooperate sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ayon sa panukala, lahat ng nagamit na mantika at greasetrap waste mula sa iba’t ibang food establishments ay kinakailangang mailipat, maimbak, re-used, recycled, reprocessed, maiayos at ma-dispose lamang sa koordinasyon ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) at ng City Health Services Office (CHSO)-Sanitation Division.
Sa ilalim ng iminungkahing panukala, labag sa batas para sa mga food establishments na nag-ooperate sa lungsod ang di pagtupad ng non-segregation ng nagamit na mantika at greasetrap waste, illegal na pagtatapon at pagbebenta ng gamit na mantika at greasetrap waste sa mga hindi otorisadong buyers, collection, transport at disposal ng nagamit na mantika at greasetrap waste ng hindi otorisadong tao at non-registration ng clearance sa CEPMO at ng CHSO.
Itinakda sa panukala na ang mga may-ari, administrators, managers o occupants ng food establishments na hindi susunod sa probisyon ay maaaring magmulta na P2,000 para sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag at multa na P5,000 at relokasyon ng business permit ng establisimyento para sa ikatlong paglabag at kasunod na mga paglabag.
Iniatas ng panukala sa CEPMO upang pamunuan ang istriktong implementasyon ng kinakailangang probisyon ng local legislative measure at tungkulin ng mga implementing officer ang malawakang dissemination ng kinakailangang impormasyon na ipabatid at iutos sa mga may-ari at occupants ng food establishments upang sundin ang hakbang, maghanda ng annual report na nagsasaad ng pagsulong ng implementasyon ng panukala, makipagtulungan sa CHSO-Sanitation Division  at sa Permits and Licensing Division para sa implementasyon ng hakbang at koordinasyon sa may kaugnayang national government agencies, kabilang ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, at ibang concerned agencies para sa implementasyon ng naaangkop na probisyon.
Ipinaliwanag ni Yangot na layon ng panukala ay upang hikayatin ang mamamayan sa lungsod na bawasan ang consumption ng mga nagamit na mantika upang maintindihan ang panganib nito at bigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na pagtatapon nito dahil ang chemical structure ng mantika ay nagbabago kapag naiinitan, at ito rin ay maaaring humantong sa nakamamatay na sakit tulad ng cancer. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon