“PAMAHALAAN INUTIL NGA BA KONTRA E-SABONG?”
July 28, 2024
Opinion
Inamin mismo ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na patuloy pa ring namamayagpag ang electronic sabong o e-sabong sa bansa sa kabila ng tagubiling itigil ang kinahumalingang plataporma ng sugal ng mga sabungero, bata man o matanda, noong 2022. Kaya’t pinag-iisipan nang imbes na alagwa ang operasyon nito at walang pakinabang ang pamahalaan sa pamamagitan ng buwis, ay i-regulate na lamang ito upang mapanghawakan ang larong kumikita ng bilyong-bilyon bawat araw.
Ayon sa PAGCOR, kumikita ang gobyerno ng P65 bilyon noong nire-regulate ng PAGCOR ang e-sabong. Kesa ni singkong-duling, walang pumapasok sa kaban ng bayan na pantustos sana sa mga proyekto sa mahihirap at hindi matanto ng gobyerno paano maiwasang malulong ang mga kabataan sa sugal, may punto ang PAGCOR. Ngunit sa tingin ko, hindi ganyan kasimple ang suliranin sa e-sabong kung ang mga personaheng involved ay malawak at malalim ang impluwensiya sa pamahalaan.
Siguradong matatalo si Tengco sa argumento kung ang magbulong na kay Pangulong BBM ay ang pulitikong-lider na pasimuno ng e-sabong operations sa bansa. Mas pabor sa pulitikong-lider na pasimuno ng e-sabong na “cat-ang-mouse” na lang ang operation nila dahil hindi na kailangang magpa lisensya pa sa Pagcor at hindi na magbayad pa ng buwis. Malaking menos gastos! At, sino makapagsasabing hindi magagaya sa legal jueteng este Small Town Lottery ang kahinatnan ng e-sabong kung ito’y iregulate ng PAGCOR?
Noong nalegalize ang jueteng papuntang STL, nanatili naman ang “bookies” operations kung saan hindi naglalagak sa pamahalaan ng buwis mula sa kita sa tatlong bola nito araw-araw. Ang masaklap, hindi kaya mismong mga nagpapa-STL din ang may operasyon ng “bookies” upang makaiwas sa buwis at buwanang obligasyon sa PCSO? Kung sakaling matalo naman ni Tengco sa argumento ang impluwensiya ni pulitikong-lider at desisyunan ng pamahalaan na buhayin ang e-sabong upang ma-regulate, hindi kaya i-bookies din mismo ng mga tusong operator kagaya ni pulitikong-lider upang iwasan ang mga obligasyong buwis at iba pa sa pamahalaan?