Pambansang Awit, dapat igalang at awitin nang wasto sa lahat ng pagkakataon

Editorial

Maituturing na malaya ang isang bansa kapag may sarili itong pambansang awit at nagsisilbing sagisag din ng kasarinlan at inspirasyon sa pagiging makabayan. Inaawit ang pambansang awit sa mga opisyal na pagdiriwang at aktibidad ng gobyerno, mga ahensiya, mga opisina ng gobyerno at maging sa mga pribadong aktibidad na malalaki.

Subalit sa pag-usad ng panahon ay nagbabago na ng istilo ng pag-awit nito at pinapalitan ang orihinal na kumpas at istilo ng pag-awit. Binibigyan ng mabulaklak na rendisyon makapukaw lamang ng pansin sa mga manonood at nakikinig, gaya ng ginagawa ng mga umaawit ng pambansang awit ng Estados Unidos. Ang masaklap pa nito ay lubhang marami pa ring Pilipino ang hindi lubos alam ang liriko ng Lupang Hinirang, bata man o matanda.

Nawala na rin ang kautusan na bawat Lunes sa unang araw ng linggo at pagpasok sa trabaho ay kailangang magsagawa ng flag ceremony at pag-awit ng pambansang awit ang lahat ng sangay at opisina ng gobyerno sa buong bansa. Kaugnay nito ay nagpila ng isang panukalang batas ang isang kongresista na nag-oobliga sa bawat sangay at opisina ng gobyerno na magdaos ng flag ceremony tuwing Lunes at ang pagpataw ng multa at pagkakakulong sa sinumang mamamayang Pilipino na hindi alam, hindi marunong kantahin at palitan ang istilo ng pag-awit ng Lupang Hinirang.

Maganda at napapanahon ang panukalang batas na ito upang muling ipaalala sa bawat Pilipino na ang ating pambansang awit ay napakahalaga dahil ito ay tatak ng pagiging makabayan natin at ang pagyurak dito ay kasing-kahulugan ng pagtalikod ng pagiging isang Pilipino. Dapat nating igalang ang Lupang Hinirang, isapuso ang bawat titik at awitin nito sa orihinal nitong kumpas at istilo sapagkat tayo ay mga Pilipino. PMCJr.