Panahon ng pagkakataon

HANDA NA BA nating tanggapin ang unang bakunang parating? Simula nang unang araw ng buwan umuusad, lagi ng laman ng balita ang mga usapusapang pang bakuna. Ok naman,at kahit papaano, ay dagliang nakakaligtaan ang sitwasyon patuloy na umiiral sa marami pa ring lugar. Ok naman, at kahit panandalian lamang ay nakapagbibigay kasiyahan ang usapang bakuna.

Kalimutan muna ang pandemya, usapang bakuna muna, ika nga. O sige, bakuna ang pagusapan. Gaano ka-totoo na bantulot ang ilang Pilipino na maturukan ng bakunang gawa sa Tsina? Ang sabi nga ng Presidential Spokesman, walang pilian, pero wala ring pilitan. Ibig sabihin, bakit pa mamimili ang Pinoy ng bakunang nagugustuhan o hindi, eh pare-pareho naming mabisa yan, ligtas gamitin, at hindi dapat pagpilian pa.

Dagdag pa ng tagapagsalita, sige mamili ka, kapag nagkaubusan at wala ng darating, pasensyahan. Susmaryosep, bakit ganun? Para na ring sinabing, kung ayaw mo, doon ka sa dulo kung darating pa ang bakunang kursunada mo. Kung darating pa ito.

Eh kasi nga naman, sa ngayon pa lamang, parang daluyong na tinanggap ng mga gumagawa ng bakuna ang mga nagbabayad na ng kanikanilang order. Kung mamimili pa ang Pinoy ng pinakaperpektong gamut na sa kanyang bisig ay ituturok, kelan pa? Samakatuwid, kundi ngayon, kelan pa?

Nagkaroon pa ng alingasngas ang reaksyon ng mga taong gobyernong namamahala sa halos ay arawaraw na pagpapaliwanag. Iba’t ibang tinig, iba’t ibang paliwanag. Kaya naman, lalong naguluhan ang madla sa magkakaibang mga paliwanag. Meron pang naging isyu na kaya raw natipuhan ang gawang Tsina na bakuna — gayong sobrang mahal ang presyo nito — ay nagkapatong-patung ang tongpats. Hay naku, tila walang katapusang usapin ang korupsyon. Buti na lang, maagap ang ating Ama ng lungsod na nagpagitna upang maayos na ipaliwanag ang sistema ng pagbibili ng bakuna.

All’s well ends well, ika nga. Kaya’t ayun, todo haba ang mga ngiti ng mga opisyales na nagkaintidihan. Ang bagay na ito ay nagpapamalas na taal na sa Pinoy ang maging mapanuri at madada sa mga ganitong pagkakataon. Ang bakunang gawang Tsina ay tiyak naming idadaan sa pagsusuri ng ating Food and Drug Authority bago mabigyan ng tinatawag na Emergency Use Authorization.

Mga teknikal at siyentipikong mga taga-gobyerno ang gagawa ng kaukulang pagsusuri. O, bakit nakataas pa ang kilay ng mga matanong, ng mga madada, at mga mapanuring madling kritiko? Ang sabi nga po ni Yorme natin, sa Baguio, ang napiling bakuna ay ibang klase at mayroon ng kaukulang kwalipikasyon upang magamit sa ating lungsod. Syempre pa, uunahing maturukan ang mga priority sector na napagpasiyahan ng gobyerno nasyonal. Mga health frontliners, mga law enforcers, at mga senior citizens na may kundisyon ng iba pang karamdamang nataguriang comorbidity. Nitong nakaraang lingo ay naipanukala pa na dapat daw ay isama sa mga tuturukan ang mga turistang dumarayo sa Baguio. Dagdag dahilan daw ang bakuna sa pag-hikayat ng mga bisita.

Susmaryosep naman, unahin muna tayong mga taga-rito. Tayong halos isang taon ng naghihirap, naghihikahos, nagdadalamhati (dahil namatayan), at patuloy na binabalot ng takot sa pagkakahawa, malilinya pa sa kadulo-duluhan, at una pa ang turistang may kakayahang gumastos para sa bakuna kung saang lugar man siya galing. Ikinatutuwa naman ng mga nasa negosyo ng turismo ang tila bumabalik na sigla ng turismo, batay na rin sa mga pagpupursigi na maibangon ang turismo, maibalik ang enerhiya ng nakadapang mga negosyo, mga hotel at restoran at iba pang nakasalalay sa mga turisto ang kabuhayan.

Sa anumang lengwahe, ang sampung libong katao na dumayo sa atin nitong natapos na kapaskuhan ay sampung libong gumagasto na mga turista. Ang mga nagastos habang umiikot, nagliliwaliw, at nagsasaya ay sa lungsod naigastos. Patunay ito na kung pagpupursigihan, maibabalik ang turismo, maibabangon ang nalugaming negosyo, at muling mangingibabaw sa ekonomiya ng lungsod.

Sa ngayon, may bakuna man o wala pa, kailangan namang seguruhin na walang epektong idudulot ang pagdating ng mga turista sa Baguio, lalo na sa isyu ng kalusugan at kaligtasan. Ang covid ay handang sumapi sa kahit na anong pangangatawan, turista man o taga-rito. Nitong Disyembre, walang insidente ng sapian at hawaan na ang ugat ay isang turistang positibo pala sa virus. Tandaan natin na ang virus ay walang iginagalang na edad, at walang sinisino kung lalaki o babae, turista man o taal-Baguio. Sa loob ng sampung buwan, naranasan ng bawat lugar hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa iba pang parte ng mundo, na lalo pang bumagsik ang hampas ng covid; noong unang mga buwan, mga me edad lamang ang madaling dapuan ng sakit, ngunit habang tumatagal, pati ng kabataan at maging mga sanggol ay hindi nakaligtas sa kanyang pananalasa.

Sa panahong patuloy nating hinihintay ang bakunang ligtas na maituturok sa mga pasyente, pinakaligtas pa rin ang maisa-ugaling pagsunod sa basic health protocol: regular na paghuhugas ng kamay, palagiang pag-gamit ng facemask, at masusing pagsuot ng faceshield.

Ngunit ang hindi rin dapat na makaligtaan, ang sinasabing social distancing, na dapat ay isang metro ang layo ng bawat isa sa mga lugar na kailangan, tulad ng mga pinag-lulugaran ng karamihan, mga private gathering na madalas ay nagiging sanhi ng pagkakahawaan. Panahon ngayon ng pagkakataon na malampasan na natin ang pandemyang matagal din nating pinagdurusahan. Gamitin na natin ito.

Amianan Balita Ngayon