Panahon nga ba ni Bongbong Marcos itong 2022 na halalan?

Tapik ni Tonying

Isang magandang balita para sa mga taga Baguio City at Benguet ang patuloy na pagbaba ng kaso ng Covid-19 virus na mga nabibiktima isa lang ang ibig sabihin nito na unti-unti ng natatalo ng siyensa at ng mga panalangin ng mga mamamayan sa Diyos sa Kalangitan upang wakasan na ang patuloy na pananalasa ng virus na ito.

Sa lungsod ng Baguio na lang ay may 161,000 na mahigit na residente ang fully vaccinated sa total na 280,000 na populasyon o higit pa maaring nasa 80 porsiyento na ang nababakunahan at may 20 na porsiyento na lang ang hindi pa nagpapabakuna.

Mapapansin na rin ang pagdami ng tao sa lungsod tuwing weekends na tinatayang halos may 1000 na turista na ang umaakyat at namamasyal sa lunsod at ito ay magandang senyales sa mga local na negosyante.

Kamakailan lamang ay umakyat sa lungsod ng Baguio ang Bikers Brotherhood Movement na may ibat-ibang miyembro sa buong Luzon ang isang bike caravan na ginanap sa Irisan Baguio City na pinangunahan ng mga ibat -ibang grupo ng mga bikers mula sa Quezon City, La Union, Pangasinan, Tarlac at Pampanga na bitbit ang flag ni dating Senador Bongbong Marcos Jr.

Sa ginanap na programa isinusulong ng grupo ang kandidatura ni BBM kaakibat ang grupo ng Aasenso Partylist na pinangunahan naman ng founder at Ret. PNP Gen. Isagani Nerez, kasama ang dalawang nominee ng Aasenso Partylist na sina Attorney Michael Nerez at Attorney Mark Tolentino.

Kasama rin ng grupo si Secretary Salvador Panelo na tumatakbo sa pagka Senador. Si Panelo ayon kay Atty. Neres ay tubong Tubao, La Union.

Halos mahigit 1,000 katao ang dumalo sa nasabing bikers caravan at pagkatapos sa lunsod ay tumulak naman sila patungong La Union.

Sa panayam kay Nerez sinabi niya na ang buong pwersa ng Aasenso Partylist, Grace Guardians at ng Bikers Brotherhood Movement ay sumusuporta sa kandidatura ni Bongbong Marcos. Dagdag pa niya ito na ang panahahon upang iluklok si BBM upang maayos ang bansa sa tunay na pag-Aasenso ng mga mamamayan, ng ekonomiya, ng gobyerno na may puso, malasakit at may takot sa Diyos.

Ito na nga ba ang panahon na maluluklok bilang Pangulo si Bongbong Marcos? Ito ang kadalasang tanong ng mga tao na sa mahigit na 30 na taon ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga Aquino at kapanalig nito ang namuno sa bansa.

Matatandaan na noong tumakbong Bise-Presidente si BBM ay tinalo ito ni Leni Robredo ng ilang boto lamang. Ito ay nauwi sa protesta ni BBM.

Sa ngayon darating na 2022 halalan manalo kaya si Bongbong Marcos Jr., laban kay Leni, Isko Moreno, Manny Pacquioa, at Ping Lacson?

May balita pa na maaring magsanib pwersa ang mga opposition upang pigilan umano ang pagkapanalo ni BBM subalit sa ngayon tila malabo ng mangyari ito.

Bakit kanyo may away na sa pagitan ni Leni at Isko, ganun din sa panig ni Pacman at Leni at maging si Sen. Lacson na nauna ng puntirya ng grupo ni Leni na makasama ay hindi rin naging matagumpay.

Sa mga balita at mga salindilang balita halos bukang-bibig na nga si BBM na maging sa mga survey ng ibat-ibang survey company ay nangunguna si BBM pangalawa si Isko, pangatlo si Pacman, pang-apat si Leni at panglima si Ping.

Sinasabi rin na mas lalong malakas ang tandem na BBM-Sara subalit nagbitaw ng salita si Inday Sara na hindi siya tatakbo sa national na posisyon. Kaya ang isa pang tanong sino kaya ang magiging bise-presidente ni BBM?

Subalit huwag makampante ang mga “loyalista” na sigurado na si BBM dahil maaring mangyari ang “dayaan” sa halalan gaya ng nangyari sa kanya noon na kung saan ng magbrown-out ay biglang naiba ang sitwasyon at nanguna na si Leni sa counting at siya ang idineklarang bise-presidente.

Kaya sa mga loyalista magmatyag ng mabuti at maging alerto sa mga maaring mangyari sa darating na Mayo 9, 2022.

Binabati ko ang aking anak na panganay na si Micaela Marie E. Picaña ng Happy Birthday sa darating na November 2 at panalangin namin ng Mommy Grace mo ang maayos na kalusugan at patuloy na maging maka-Diyos at mabuting anak, mabuting ina at asawa. God Bless you aming Uno.