“Panganib ng e-coli sa Paoay Lake isinantabi sa ngalan ng turismo?

Ipinagpilitan ng Ilocos Norte provincial government na buksan ang waterpark sa Paoay Lake national park sa barangay Suba, Paoay, Ilocos Norte, sa kabila ng Escherichia coli (E. coli) bacteria contamination.

Ang E. coli ay karaniwang nagdudulot ng malubhang madugong diarrhea at masakit na tiyan. Minsan ang impeksyon ay nagdudulot ng diarrhea na walang dugo o walang sintomas. Karaniwang mababa o walang lagnat, at ang sakit ay nawawala sa loob ng 5 hanggang 10 araw.

Sa ilang mga tao, lalo na sa mga bata na wala pang 5 taong gulang at sa mga matatanda, ang impeksyon ay maaari ring magdulot ng isang komplikasyon na tinatawag na hemolytic uremic syndrome, kung saan ang red blood cells ay sinisira at ang kidneys (bato) ay humihina.

Bago pa man ang pagbubukas ng tinataguriang “Unang waterpark sa Hilagang Luzon”, nagbabala na ang DENR na iwasan ang mga aktibidades na magka-contact sa katubigan dahil sa panganib ng E. coli.

Ngunit, ano namang aktibidades sa isang waterpark ang maiiwasan ang kontak sa katubigan? Iginigiit ng provincial government na ginawaran naman ang waterpark ng Environment Compliance Certificate (ECC) ng DENR.

Ngunit na-issue ang naturang ECC bago pa man nasuri ang Paoay Lake, na sa kinalaunan ay napatunayang mataas ang level of contamination ng ecoli at hindi maaring maligo dito.

Nagpalusot na lamang ang Provincial Environment and Natural Resources Office na payagang buksan ang waterpark ngunit walang magtatampisaw at maliligo sa lake.

Mismong ang tourism office ng Ilocos Norte’y umaamin na maaring mag enjoy sa waterpark ngunit hindi maaring magtampisaw sa tubig.
Porke pa’t waterpark ito hindi ba? Ang pinupuna’y bakit kelangang ipagpumilit ang pagbubukas ng hindi namang ligtas na tourism site?

Hindi ba ipinapasubo lamang ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamasyal na lokal at turista dito? Kita, prestihiyo or ano nga ba ang nag-udyok upang ipagpumilit ng mga opisyal ang hindi namang ligtas na waterpark?

Sa panahong napakahirap magkasakit dahil sa dobleng panganib na dala ng COVID-19, nararapat bang ipagduldulan ang isang aktibidad na may naka-umang na panganib?

Amianan Balita Ngayon