PANIBAGONG SIGLA AT SAYA

KAKAIBA ang mga naidaos na pagbangon nitong nakaraang linggo. Bumalik ang Panagbenga, ang taunang pagdiriwang ng Baguio Flower Festival na naisantabi lamang ng pandemyang humagupit ng lampas dalawang taon. Nitong Myerkoles, matagumpay na isinagawa ang muling paglunsad ng higit sa isang buwan ng pagdiriwang. Muli, sumambulat ang saya ng Panagbenga. Ipinarinig ang tugtog ng himnong kinalugdan ng sambayanan bilang simbolo ng pinag-isang diwa ng isang lungsod na ngayon ay umaahon, bumabangon, at handang harapin ang mga unos ng panahon.

Muli, umaliwalas ang kalangitan at malayang tinanggap ang alay sa mga natatanging yaman ng kalikasan na naging ugat ng buhay sa sulok na ito ng mundo. Muli, naipamalas ng Baguio ang ganda, yumi, at kariktan ng isang selebrasyong naging huwaran ng maayos na pamamahala, ng masinop na tulungan ng publiko at pribadong sector ng lipunan. Muli, namayani ang saya at sigla ng Panagbenga, pahiwatig na kailanman, walang pwersa ng pandemya ang makakapigil sa taunang pagtatanghal ng pinag-isang pwersa ng buong lipunang umiindak sa tunog, sa ingay, sa hiyaw ng Panagbenga.

Nakakataba ng puso ang taas-noong paglulunsad ng Panagbenga. Kahit na patikim pa lamang ang naganap na programa, kapansin-pansin ang dagliang pagtanggap sa ating pinagkakapuring selebrasyon. Maayos ang naging agos ng taon. Ang muling pagakyat sa sentro ng tanghalan ng
Panagbenga ay umaapaw na palatandaan hindi na maipagkukunwari: Umaayos na ang pagbangon ng turismo na kabilang sa mga pangunahing makinarya ng ekonomiya ng Baguio. Bagama’t sinalanta ng pandemya, tuloy-tuloy pa rin ang mga gawaing maibalik ang sigla ng lungsod.

Ngayon nga ay tila hindi na alintana si covid. Sa araw-araw na paglilista, laging bokya ang pandemya, maswerte na kung merong mangilang-ngilan ang bilang ng mga napupuruhan. Nasyonal man o local, si covid ay naghihikahos na, bagamat patuloy siyang banta sa kalusugan, hindi lamang sa atin, kundi sa iba pang panig ng mundo. Mabuhay ang Baguio, mabuhay ang Panagbenga! Belat, covid! Nito ring Miyerkoles, unang araw ng Pebrero, buwan ng pagmamahalan,
pagpapatawaran, at pagbibigayan, ay naging panauhin ng lungsod si Ginoong Anatoly Karpov, isang batikang manlalaro at kampyon ng ahedres. Matatandaang ginawa ang Baguio Convention
Center sa dekadang sitenta at ang World Chess Championship sa pagitan ng dalawang Ruso ang syang ginanap sa katatapos na pasilidad.

Si Ginoong Karpov at si Viktor Korchnoi ang syang nagtunggali sa isang labanang buong mundo ang nakapanood. Si Karpov ang nagwagi sa dulo. Masayang sinalubong ang bisita ng buong kagalakan, lalo na ang mga kabataang sinabik ng kanilang mga nakatatandang guro at mga chess players ng Baguio na kahit isang saglit na pakikiniig ay natatanging karanasan ng maituturing.
Ibinahagi ng dating World Chess Champion ang mga naging kaganapan sa kanyang buhay, kung gaano ang epekto ng kanyang mga tagumpay sa ahedres ang mga kaayusan ng kanyang pagaharap sa mga hamon. “Iwasan ang droga,” anya ni Karpov, isang panawagan na napapanahon sa ating kabataan. Dalawang pagbabalik sa isang araw ng Myerkoles – ang Panagbenga at ang pagbuhay
sa isang kaganapang nagpakilala sa lungsod noong 1978, ang labanan sa ahedres ng dalawang Rusong pinagwagian ng bisita.#

Amianan Balita Ngayon