Pantry…Bagong kontrobersiya????

Daplis Walang Mintis

Liban sa isyu ng Covid-19 at bakuna, nakikisabay pa ang tensiyon sa WPS…pero may bumuntot na kontrobersiya – ito ang mga Community Pantry sa buong bansa. Sus mariakusina….di na ba tayo nawalan ng kontrobersiya? At bakit naging usap-usapan kasi ang Pantry na ito? Hindi ba’t ang adhikain nito ay “TUMULONG SA MGA NANGANGAILANGAN?”

Nasa pandemya tayo, pards. Kailangan nating magtulungan lalo na sa mga nagugutom nating mga kababayan. Eh, bakit ginawang isyu ito? Sige, halukayin natin mga Ka- Amianan:

Kamakailan….may mga mapagmalasakit na mamamayan sa NCR ang nakaisip ng isang paraan upang makatulong sa mga nagugutom nating mga kababayan lalo na sa mga nalalock down na lugal.

May mga inilatag na lugal na pinaglagyan ng mga donasyong pagkain mula gulay, delata, gamit at bigas. Malaking kaginahawaan ito sa mga walang pambili dahil puwede kang kumuha doon na ayon sa iyong pangangailangan. Ang seste, may mga ulat, diumano, na may mga otoridad (daw) na nanita at tinatanong kung sinu-sino ang mga nasa likud ng pantry.

Hinihila (daw) na pakana daw ito ng mga maka-kaliwa o maka-kumunista. Tinatanong pa raw kung may permit ito. At marami pa (raw) tsitsiburitsi. Sus ginoong santosantito…. idalangin mo kami bago magputukan ang mga bulkan sa Pilipinas. Mga reaksiyon: PNP at DILG, hindi raw sila nagpadala ng kanilang galamay upang pakialaman ang mga Community Pantry.

Dagdag pa ng Malakanyang: huwag pakialaman ang naturang proyekto. Tapik naman ng CHR: dapat imbestigahang mabuti ito. Taumbayan: pati ba naman karapatan naming kumain ay pakikialaman? Daplis: may mga tao raw na ginamit ang internet (social media) upang sirain ang magandang hangarin ng pantry. Sabi ay kakastiguhin daw ang mga nasa likud ng paninira. Sige, bitayin ninyo!

Maganda ang hangarin ng Community Pantry lalo ngayong pandemya. Makakasalba tayo ng buhay.

Pero ilagay sana natin ito sa lugal. Bakit? Baka raw mapasukan ng mga pulitiko at gawing tulay (kuno) ng pagpapakilala dahil malapit na ang eleksiyon. Sabat ng marami: eh, bakit kung pulitiko ang nasa likud ng pantry…masama ba ang tumulong? Hindi naman sila nangangampanya na sila’y iboto, di ba? Ang talagang kontrobersiya ay ang ginagawa ng ilan nating mamamayan na nagsasamantala sa mga pantry.

Hindi lang para sa kanilang bituka ang kinukuha. Kulang na lamang na lamukusin lahat at wala ng itira sa iba. Ang rason daw ng iba, ipamimigay din daw niya. Eh, sa mga kamag-anak
lang daw naman ang binigyan at pati kapitbahay ay hindi nasayaran ng kanyang kinurakot. Kaya payo ng marami: huwag kumuha ng labis sa pangangailangan. Magtira naman kayo para sa iba at tunay na nagugutom.

Magpasalamat tayo sa mga nag-organisa sa mga ganitong pantry at idalangin na sana’y magpapatuloy ang programa habang narito ang pandemya. May mga nasyon, kasama na ang US ang pinagbawalan ang kanilang kababayan na iwasang pumunta sa Pilipinas. Masakit pero ang dahilan nila ay ang paglobo daw ng mga Covid-19 cases dito. Karapatan nilang pangalagaan ang kanilang mamamayan.

Apektado tayo sa bagay na ito…kaya di tayo dapat mawalan ng pag-asa. Nasa atin ang solusyon ng ating problema sa Covid-19. Sumunod tayo sa lahat ng health protocol; tulungan ang mga nangangailangan at laging magmalasakitan, at iwasan ang pagiging makasarili, gahaman at pagsasamantala. Ipakita natin sa mundo na kaiba ang ating lahi: matatag at bigkis-bigkis laban sa pang-aapi.

Mabuhay ang “katipunan!”. Ehe…bakit napunta tayo roon? Ehmmm ang ibig nilang sabihin ay …”mabuhay ang pagkakaisa laban sa pandemya”. At maraming salamat sa nagbibigay ng PANTRY”.

Amen! Adios mi amor, ciao, mabalos!